Exclusive sa GMA 7 ang kasalang Ogie Alcasid at Regine Velasquez sa December 22 - venue : Punta Fuego.
After Christmas, December 26, ang airing nito sa Kapuso Network ayon kay Ms. Wilma Galvante, Vice President for Entertainment ng GMA Network.
Paano na ang ABS-CBN and TV5?
Matunog ang balitang sa pag-aaring lugar ni Mr. Manny Pangilinan ng TV5 gaganapin ang kasalan sa Batangas. Isa rin sa mga ninong si Mr. Pangilinan.
Sa ABS-CBN puwede pang hindi dahil kalaban talaga sila.
Hindi natuloy sa original venue ang kasal nina Regine at Ogie dahil hindi sila nakapagbigay ng mga requirements kaya umano’y sinalo sila ni Mr. Pangilinan.
May bayad ba ang mag-dyowa sa exclusivity ng coverage ng kasal nila?
Ayon kay Ms. Wilma, lahat ng gastos sa coverage ay regalo nila sa mag-asawa.
Meaning walang bayad? Sila pa ang nagregalo?
Well hindi na ‘yun natanong kay Ms. Wilma. Or kung sinagot man niya, malamang nakaalis na ako sa ipinatawag na tsikahan with the entertainment editors ng mga bossing ng mga programa ng GMA 7.
Ay dagdag pa nga pala ni Ms. Wilma, ito na ang wedding of the year kung saan magsasama-sama raw ang magagaling na singers.
Isa pang nilinaw na issue ni Ms. Wilma ang tungkol kina Venus Raj, Isabel Oli at Jewel Mische.
Si Venus, sa ngayon daw ay kontrolado ng Binibining Pilipinas ang beauty queen dahil nakakontrata ito sa kanila. Pero nag-usap na raw sila na oras na matapos ang kontratang ‘yun ay magiging exclusive Kapuso ang fourth runner up ng 2010 Miss Universe.
Si Isabel, as of yesterday, nasa kanila pa ito. May inaayos lang daw sa kontrata at isasama na siya sa isang drama show ng network.
Ganundin si Jewel na nung una ay totoong gustong umalis sa kanila pero ngayon daw ay hindi na.
Usap-usapan ang pagiging co-host umano nina Venus at Isabel sa bagong programa ng TV5 na Willing Willie. Pero sa sinabi ni Ms. Wilma, kumpirmado, hindi nga sila makakasama sa nasabing musical variety show.
Mahigpit ang GMA sa mga alaga nilang artista pero hindi sila makapaghigpit sa mga walang kontrata.
Like si Eugene Domingo, Joey de Leon and Vic Sotto.
May programa ang tatlo sa TV5 na nagkaroon pa nga ng balita na magiging pre-programming ang programa ni Joey de Leon at Mr. Fu ng Willing Willie na ang host ay dating karibal ni Joey sa noontime show.
Anyway, tulad ng ABS-CBN, walang kakaba-kaba ang news and current affairs ng GMA Network sa pagpasok ng variety show sa primetime slot.
Ang feeling nila, walang dapat ikakaba.
Samantala, kinumpirma rin ni Ms. Wilma na may bagong programa na si Claudine Barretto sa kanila.