Dyowang non showbiz ng male celebrity totoong artistahin ang hitsura
Nakita ko noong isang araw ang non-showbiz dyowa ng isang sikat na male celebrity. Totoo pala ang mga tsismis na maganda ang girl at wife material ito. Papasa na artista ang girl pero hindi ito mangyayari dahil hindi papayag ang kanyang sikat na boyfriend ‘noh!
Direk Wenn at Jobert nakikipag-agawan ng espasyo kay Annabelle Rama
Malaki na pala ang away ni Jobert Sucaldito at ng direktor na si Wenn Deramas as in dumating na sila sa hamunan ng suntukan.
Matagal ko nang kilala si Jobert kaya alam ko na kapag sinabi nito na makikipagsuntukan siya kay Wenn, gagawin niya. Wala bang mamagitan para hindi matuloy ang pagsasabong nina Jobert at Wenn? Talagang nakikipag-agawan sila ng espasyo sa mga pasabog ni Annabelle Rama against Heart Evangelista!
Jenny ikinasal na!
Very hectic ang schedule ko kahapon dahil ninang ako sa kasal nina Jenny Miller at Cupid Feril pero bago ako nagpunta sa simbahan, dumaan muna ako sa GMA 7 para sa shoot namin sa Startalk.
Kahapon din ang event ng Ultra Mega na hindi ko nakakaligtaan na puntahan taun-taon or else, magtatampo si Mang Erning Lim ng Likas Papaya.
Mapapanood ngayong hapon sa Startalk ang mga kaganapan sa kasal nina Jenny at Cupid. Ngayon din ang 15th anniversary celebration ng aming show kaya it’s a must na panoorin ninyo.
OFW na namatayan ng asawa sa South Africa gustong magkaroon ng souvenir kay Sen. Bong Revilla
Nakiusap ang e-mail sender na huwag kong i-publish ang kanyang name pero naaliw ako sa kanyang request sa akin kaya inalis ko na lang ang pangalan niya at contact numbers. Madaling pagbigyan ang kahilingan ng e-mail sender na nakatira sa South Africa na hindi ko pa nararating.
“Kumusta na po kayo riyan? Palagi po akong nakasubaybay sa kolum ninyo sa Pilipino Star Ngayon. Naglakas loob lang po ako na sana ay pagtuunan ninyo ng kahit sandali ng inyong oras ang liham kong ito.
“Isa po akong contract worker dito sa Southern Africa (Botswana to be specific). Dito na po ako nakapag-asawa at nagkaroon ng dalawang anak at Pilipino rin po ang napangasawa ko.
“Sa maniwala po kayo o hindi ay kamukhang-kamukha po ng asawa ko si Senador Bong Revilla Jr. kaya nga po noong minsang magbakasyon kami ng mga bata diyan sa Pilipinas at nagkataon pong palabas ang kanyang pelikula na Exodus, ay nagsisigaw po sa bawat LRT station ang dalawang anak ko ng “Papa, Papa namin ‘yan.”
“Nakakahiya dahil pinagtitinginan kami pero hindi naman po sa pagbubuhat ng bangko ay malaki naman po talaga ang hawig ng asawa ko kay Senador Bong.
“Hanggang sa ipanood ko sila ng sine ay ganoon pa rin po ang sinisigaw nila.
“Yumao na po ang asawa ko rito rin sa Botswana dahil sa car accident and my kids was only three years old ang first born at 10 months naman po ang bunso kaya wala po silang father figure na maalaala kundi ang family pictures namin.
“May isa lang po sana akong request this Christmas, sana po ay makapagpa-picture kaming mag-iina with Senator Bong Revilla, bilang remembrance namin at ito rin po sana ang maging Papasko ninyo sa aming mag-iina.
“We are coming to the Philippines this December for the holiday.
“Ate Lolit, just in case po mabasa ninyo ito, huwag n’yo na lang po i-publish. Nakakahiya po eh. May time difference po ang oras natin dahil advance po kayo ng six hours. Kung 9:00 p.m. po ng gabi diyan, 3:00 p.m. pa lang ng hapon dito.
“Nawa po ay maging daan kayo upang magkaroon ng katuparan ang wish naming mag-iina ngayong Pasko.”
O di ba, pang-Wish Ko Lang ang special request ng nagpadala sa akin ng e-mail? Sure ako na nagsasabi siya ng totoo dahil ibinigay pa niya sa akin ang kanyang contact numbers sa Botswana. Hindi ko na inilagay ang phone numbers para hindi siya mabiktima ng mga nagpapanggap na concerned citizen.
Naniniwala ako na look-alike si Bong ng kanyang mister pero type ko pa rin na makita ang litrato ng namayapang asawa ng e-mail sender.