Noong isang Linggo ay pormal nang itinalaga ng Malakanyang ang pinakabagong chairman ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB. Si Grace Poe Llamanzares, siya ay anak ng hari at reyna ng pelikulang Pilipino, sina Fernando Poe Jr. at Susan Roces.
Agad naming pinuntahan ang bagong chairman para sa isang exclusive interview for SNN (Showbiz News Ngayon). “Natutuwa ako, may kaunting kaba rin kasi gusto natin tama ‘yung gagawin natin. Pagkakataon na ibinigay sa akin ito na makapaglingkod sa industriya na nagtaguyod sa akin at industriyang kinabilangan ng aking mga magulang kaya para sa akin ay malaking karangalan talaga,” bungad ng bagong chairman.
Sa kasalukuyan ay inaayos ang pormal na transition of office sa pagitan nila ni dating MTRCB Chairman Consoliza Laguardia. “Kinakailangan ng transition, gusto ko sanang magbigay ng kortesiya kay Chairman Laguardia. Siya ‘yung nakakaalam talaga sa pagpapatakbo sa ahensiya sa araw-araw na requirements so inaayos namin ‘yung appointment na ‘yan. Kahit hindi pa kami nag-uumpisa officially, ngayon pa lang ay nagre-repaso na kami sa mga bagay-bagay na dapat naming gawin at kung sinu-sino ang bubuo ng ahensiya na tutulong sa ating lahat. Ang importante sa akin ay maka-meeting ang mga miyembro ng industriya para mas mapabuti ang serbisyo ng MTRCB.”
Mayroon na kaya siyang napupusuan kung sino ang mga pipiliin para maging board members?
“Gusto ko sa pagsusuri ng mga ilalagay, may mga ibang tao rin na kasama kong magde-desisyon para patas talaga. Marami talaga akong napupusuan kasi marami sa industriya natin ang may alam kung kagalang-galang ang nilikha, so mabuti na galing din sa industriya natin ang mga pipiliin.”
Mayroon daw gustong idagdag ang bagong MTRCB chairperson sa kanilang guidelines. “Pahabain ang oras ng mga board members sa pagta-trabaho. Kapag may batang members ang board, parang duktor ka na on-call, 10:00 ng gabi, puwedeng ipatawag para mag-view. Minsan may biglaan na kailangang baguhin or palitan sa isang trailer dahil biglang napalitan ang airing, tapos wala nang available mag-view. Kailangan ng shifting, parang ganun,” dagdag na kuwento pa niya.
Marami rin sa ating mga kababayan ang kumu-kuwestiyon kung bakit si Grace Poe Llamanzares ang napili para maging chairman ng MTRCB, ano ang masasabi niya sa isyung ito? “Napakahalaga sa akin na magkaroon ng pagkakataong makatulong lalo na sa mga nakasama ng aking magulang. Sana ay makapagbigay ako ng kabutihan sa ating bayan. Totoo, hindi ako artista pero nag-trabaho naman ako sa aming kompanya, pinangalagaan ko ang pelikula ng aking ama at lumaki rin ako sa industriya. Nakita ko kay FPJ at sa aking ina kung paano pinaghihirapan ang isang pelikula,” emosyonal na pahayag pa ng bagong chairman.
Ngayon ay handang-handa na ang bago nating MTRCB chairman para sa pinakabagong hamon niya sa buhay. “I’m very excited to face the challenge because I know it can make a difference. I’m also being cautious, gusto kong mag-repasong mabuti dahil ayaw kong ipahiya ang pangalan ng aming pamilya kung hindi tama ang aking gagawin,” pagtatapos pa ni Chairman Grace Poe-Llamanzares.
Nakahanda na rin siya para sa kanyang oathtaking na gaganapin sa mga darating na araw. Good luck! Reports from JAMES C. CANTOS