Kolumnista ng STAR nanalo ng Best Opinion Column Award
MANILA, Philippines - Uy congratulations kay Mr. Wilson Lee Flores, kolumnista ng Philippine Star, realty entrepreneur, college teacher at S Magazine editor-in-chief (by the way, si Piolo Pascual ang nasa cover ng October issue ng S Magazine) na nanalo sa Catholic Mass Media Awards (CMMA) sa ginanap na seremonya noong Oktubre 13, Miyerkules sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) Medicine Auditorium. Nanalo siya sa Best Opinion Column Award. Ang seremonyang pinangunahan ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ay ginanap sa UST bilang bahagi ng darating na pagdiriwang sa 400th anibersaryo ng UST sa 2011. Nanalo na rin si Wilson Lee Flores ng tatlong Palanca literary awards, nagtuturo siya ng journalism, history at literature sa La Consolacion College Manila.
Nag-aral si Wilson sa Ateneo de Manila University at Beijing University.
Imbitado rin siyang guest speaker sa Kyoto University, Japan sa Disyembre.
* * *
Mamamaalam na pala sa ere ang The Correspondents pagkatapos ng 12 taon.
Ngayong Martes (Oct 19), muli nating balikan ang kuwento ng 12 taong naging bahagi na ng kasaysayan ng programa na tumatak na sa kasaysayan ng ating bansa, pati na rin ang mga simple at maliliit na istoryang pumukaw sa damdamin ng manonood.
Kabilang dito ang batang si Nicolai Magtibay na tinampok noon sa episode na Yellow Babies, na nagwagi sa 2004 New York TV and Film Festival. Babalikan din ang mga lolang tulad ni Lola Susana, na nakamit ang inaasam na paglaya mula sa koreksiyonal sa tulong ng programa.
Kukumustahin din ang mga kabataang napatigil na sa pagmimina at naibalik na sa eskuwela at ang Barangay San Ysiro, na hanggang ngayon ay umaasang madaanan ng pagbabago.
Sila ay ilan lang sa nagbigay ng mukha at pagkatao sa mga isyu sa ating lipunan. Sila ang 12 taong nagbago ang buhay sa 12 taon sa telebisyon ng The Correspondents.
Ilang beses na ring tumanggap ng parangal ang programa sa loob at labas ng bansa mula sa mga award-giving bodies tulad ng UNICEF Child Rights Awards, Catholic Mass Media Awards, Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas, USTv Awards, at sa Lasallian Scholarum Awards.
Umikot din ang The Correspondents sa ilan sa pinakamalalaking kolehiyo at unibersidad sa pamamagitan ng The Correspondents’ Docuniversity Tour.
Nakasama sa programa ang mga premyadong mamamahayag na sina Karen Davila, Abner Mercado, Bernadette Sembrano at Ces Oreña-Drilon.
* * *
Sasabak sa isang hamon ang Kapamilya Network sa kanilang pag-remake ng isa sa highest-rated Primetime Soap Operas sa bansa at pumatok noong dekada nobenta kung saan umere ito ng limang taon sa nasabing istasyon, ang Emil Cruz Jr.’s Mara Clara.
Ang fast-rising stars na sina Kathryn Bernardo na gaganap bilang Mara at si Julia Montes na gaganap bilang Clara ang mga susunod sa yapak ng mga orihinal na Mara Clara stars na sina Judy Ann Santos, ang tinaguriang Queen of Soap Opera, at si Gladys Reyes, na isa sa pinaka-mahusay at epektibong kontrabida ng Philippine TV.
Bibigyang kulay ng iba pang cast members ang mga karakter na siyang tumatak na sa kasaysayan ng Pinoy soap opera: Bobby Andrews bilang Amante (formerly portrayed by Juan Rodrigo), Ping Medina bilang Kardo (formerly played by Dan Fernandez), John Manalo bilang Eris (formerly played by Christopher Roxas), Albi Casino bilang Christian (formerly portayed by Wowie de Guzman), Chokoleit bilang CG (Eagle Riggs), Jhong Hilario bilang Gary (formerly portrayed by Eruel Tongco), Mylene Dizon bilang Susan (formerly played by Susan Africa), at Ms. Gina Pareño.
- Latest