MANILA, Philippines - Walang kaalam-alam si Johan Santos (PBB Double Up Big 4) sa kumakalat na isyung sinulot niya ang Olive-C Herbal Soap endorsement ni Ejay Falcon mula sa kompanya ni Jim Acosta.
Si Ejay ang dating endorser ng Olive-C pero ayon kay Mr. Acosta, tapos na ang kontrata sa kanila ng aktor kaya kinailangan nilang kumuha ng bagong celebrity endorser.
“Bagay si Johan na mag-represent ng aming produkto kaya ikinonsider namin siya. ‘Yung kay Ejay, end of contract na. Pinag-aaralan pa ng kompanya ko kung ire-renew siya,” katuwiran ni Mr. Acosta.
Ayon naman kay Johan, hindi niya kagustuhang ‘masulot’ ang raket ni Ejay.
“Ang manager ko po (Leo Bukas) ang nagde-decide pagdating sa mga ganyang bagay. Sumusunod lang po ako sa kanya,” giit pa niya.
Anytime this month ay pipirma na ng kontrata ang binata for Olive-C. Inaayos na rin ang schedule para sa kanyang pictorial.