Noong Linggo ay aming nakapanayam sa The Buzz via phonepatch ang young superstar na si Judy Ann Santos. Ngayon lang namin siya nakausap matapos ipanganak si Baby Lucho noong Huwebes. “Nakakaloka! Mabuti po ako, doing good. Under observation kami ngayon, dito pa rin po kami sa ospital. Si Lucho kasi ay kailangan pang i-observe. We’ll be staying for few more days here. ‘Di pa kami pinapalabas ng pedia eh,” masayang bungad ni Juday.
Ano ang una niyang naramdaman nang makita niya ang kanilang baby ni Ryan? “Amazing ‘yung pakiramdam, kasi the whole time ay para lang kaming lasing ni Ryan. Tawa lang kami nang tawa sa delivery room eh. Dapat we’ll be going for the ‘lamas’ method. Noong nasa 3 cm. na ako ay hindi ko na kinaya, nagmakaawa na ako, ang sakit-sakit na kasi. Gusto ko lang maramdaman ‘yung labor pains, sayang naman ‘yung moment kung hindi ko nanamnamin ‘yung proseso, ‘yung pakiramdam. Relaxed naman kami ni Ryan, siya yung medyo ninerbiyos pero dinaan din niya sa pagpapatawa. Nakatulong nang malaki sa akin kasi kung hindi niya ako pinatawa, malamang ay namura ko na siya sa sakit. In fairness sa asawa ko, sobra ‘yung suporta niya sa akin,” kuwento pa ni Juday.
Nagpapa-breastfeed ba si Juday kay Baby Lucho? “Opo! Buhat nang lumabas si Lucho, medyo hinanap lang niya nang konti kung saan ba siya magbi-breastfeed, nahanap naman niya,” dagdag pa ni Judy Ann.
Kailan naman kaya natin masisilayan si Lucho o kailan siya makikita ng publiko sa unang pagkakataon? “Maybe in a month’s time or Christmas? Nanamnamin lang muna namin ‘yung itsura niya, masaya lang muna. Pasensiya na po, ipagdadamot ko lang muna ang anak ko for the mean time,” pagtatapos ni Juday.
Kris at mga anak, ligtas na!
Noong Huwebes ay ibinalita ni Kris Aquino sa pamamagitan ng kanyang twitter account ang pagkakaroon nila ng kanyang mga anak ng Hand, Foot, and Mouth Disease o HFMD.
Una raw nagkaroon si Josh ng ganitong sakit at dahil madalas silang magkakasama ay nahawa na rin si Kris at Baby James. Mataas ang naging lagnat ni Kris pero hindi siya nagkaroon ng mga rashes o mouth sores, kaya ayon sa kanyang doktor ay maaaring ibang klaseng virus ang tumama sa kanya. Mahirap tukuyin kung saan at paano nakukuha ang HFMD? Ano nga ba ang Hand, Foot and Mouth Disease? Gaano ito ka-delikado? Para sa kaalaman ng lahat ng mamamayan ay minabuti naming kunan ng pahayag si Dr. Eric Tayag ng Department of Health para sa The Buzz. “Ang Hand, Foot and Mouth Disease ay isang viral illness kung saan karaniwan ay mga bata ang nagkakasakit. It’s very uncommon in adults. Ito ay nakakahawa sa pamamagitan ng mucus, saliva, o kaya ay dumi. Nag-uumpisa ang HFMD sa mataas na lagnat, pananakit ng lalamunan at nagkakaroon ng mouth sores sa loob ng bibig, sa kamay sa mga palad at sa talampakan. Yung Foot and Mouth Disease sakit naman ‘yun sa Cater, Sheep, o kaya Goats o kaya ay Baboy,” paliwanag ni Dr. Eric.
“Lingid sa kaalaman ng iba, maaaring maging grabe ang Hand, Foot and Mouth Disease sapagkat puwede itong maka-cause ng Meningitis o Encephalitis, mamamaga ‘yung utak, magkakaroon ng kombulsyon, at kadalasan ay baka mamatay pa nga ‘yung bata. Puwede ring magkaroon ng paralysis o napagkakamalan yung may Polio yung bata so huwag ninyong balewalain yung HFMD,” pagtatapos pa ni Dr. Tayag.
Thank God dahil ngayon ay bumubuti na ang pakiramdam nina Kris, Josh at Baby James.
Reports from JAMES C. CANTOS