MANILA, Philippines - Naghain na ng mosyon ang ABS-CBN sa Quezon City Regional Trial Court kahapon para mag-issue ito ng temporary restraining order at writ of preliminary injunction kay Willie Revillame at mapigilan ang TV host sa higit pang paglabag sa kanyang kontrata sa ABS-CBN sa paglulunsad ng kanyang bagong programa sa TV5.
Sa 38-page na petisyon, umapila ang ABS-CBN sa korte na pigilan si Willie sa paglikha o paggawa ng trabahong tulad sa trabahong nasasaad sa kanyang kontrata para sa sinumang tao o entity na direktang kukumpitensya sa ABS-CBN, at sa paglahok sa mga gawaing taliwas sa interes nito.
Hiniling din ng ABS-CBN sa korte na pigilan si Willie sa paglabas o paggamit ng kanyang pangalan, boses o imahen, tahasan man o hindi, sa pag-endorso ng anumang produkto o serbisyo sa mga pahayagan, radyo, o sa telebisyon o anumang uri ng patalastas, at ang gumawa ng anumang aksiyon na maglalagay sa alanganin sa mga programa ng ABS-CBN o makakabahid sa magandang pangalan nito.
Binigyang diin ng ABS-CBN ang pagpirma ni Willie ng kontrata bilang talent ng Associated Broadcasting Company, kung saan gagawa siya ng programa na malaki ang pagkakahalintulad sa kanyang dating programang Wowowee sa ABS-CBN. Hindi maikakaila na hands-on si Willie sa pagbuo ng kanyang nalalapit na variety at game show na Willing Willie base na rin sa mga naiulat sa mga pahayagan at online sites.
Binanggit din ng ABS-CBN sa mosyon ang opisyal na pahayag ng TV5 noong Sept 17 na kumumpirma sa paglagda ni Willie ng kasunduan sa network para mag-host ng variety at game show.
Naninindigan ang ABS-CBN na dapat gampanan ni Willie ang kanyang obligasyon sa ilalim ng kanyang pinirmahang kontrata sa Kapamilya Network.
Habang ang korte ay hindi pa nakakapagdesisyon sa judicial rescission case na isinampa ni Willie, pinili pa rin ng TV host na pumirma ng bagong kontrata at gumawa ng bagong programa.
“Gumawa siya ng desisyon at pinili na sundin ang gusto niyang gawin bagama’t ang korte ay tinitimbang pa ang issue,” sabi ng ABS-CBN sa mosyon.
Ayon sa statement mula sa ABS-CBN Corporate Communications Head na si Bong Osorio, nang mag-desisyon si Willie na balewalain ang kanyang kontrata sa ABS-CBN, wala na silang ibang maaring gawin kung hindi ang hilingin sa korte na mamagitan.
“Ang isyu patungkol kay Willie Revillame ay umiikot sa pagkilala o pagrespeto sa isang kontrata. Sa ABS-CBN, ito ay hindi lamang isang ethical o tamang gawi. Ito ay isang dakila at marangal na gawain ng isang tao o kumpanya na may pagpapahalaga sa katapatan at integridad. Ang paniniwalang ito ay siyang nagsisilbing gabay sa pamamalakad at pagbibigay serbisyo ng ABS-CBN. Pinaninindigan nito ang mga sinasabi, dala ang pag-asa na ang ibinibigay nitong tiwala at respeto ay maibabalik ng mga tao, talents at partners na katrabaho nito,” sabi ni Osorio.
“Kung ang isang tao’y may pagpapahalaga sa isang kontrata, maiiwasan ang maraming gusot. Kumbaga sa isang pamilya, kapag napagsabihan ng magulang ang isang anak, tama bang lalayas na lang ang anak?” dagdag pa niya.
Nilabag ni Willie ang behavioral provisions ng kanyang kontrata nang bantaan niya ang ABS-CBN management noong May 4, 2010 episode ng Wowowee na siya raw ay magbibitiw sa trabaho kung hindi sisisantihin ng pamunuan ang isa pang talent ng network.
Matapos ang ilang linggo ng suspensiyon at pamamahinga ay muling lumitaw si Willie sa publiko at nagpatawag ng press conference kung saan ipinahayag niya ang kanyang pagbitiw o ‘di pagkilala sa kanyang kontrata sa ABS-CBN.
Naninindigan ang ABS-CBN na sila pa rin ang naagrabyadong partido sa isyung ito kaya naman sila ang may tanging karapatang ipawalang bisa ang kanilang kasunduan.