Malas ang mga manonood ng telebisyon kung akala nila ay masasaksihan nila ang paglitaw ng boobs ng Sexbomb member na si Aira Bermudez sa isang napakahirap na challenge sa sinalihan nitong Survivor Philippines. Ang mga nakasama lang niya siguro sa nasabing reality search, mga kapwa niya castaways, baka ang host din na si Richard Gutierrez at ang iba pang miyembro ng produksiyon ang maaring naging witness nito pero wala ng iba. Mapapansin kasi na sa TV habang napapanood ito ay pinalabo ang parte ng katawan ni Aira na medyo naghe-hello na pero maliban dito walang iba pang nakita sa kanya.
Hay naku, minsan iniisip ko if it’s worth the P3M prize money ‘yung hirap na pinagdaanan ng mga kasali. Tulad ng mga rashes ni Aira, ‘yung mga kagat ng lamok at mga peklat sa binti ni Solenn na kailangang-kailangan sa trabaho niyang pagmo-modelo.
* * *
Isa sa mga magagaling na young actor ng ABS-CBN itong si Jason Abalos. Akalain mo ba namang nagagawa niyang talbugan pa sa mga eksena nila ang tanggap na magaling at itinuturing na isa sa mga hari ng indie films na si Sid Lucero.
Maganda ‘yung role niya sa Alynna na nagtatampok kay Shaina Magdayao at mukhang binibigyan siya ng importansiya. Di tulad sa Agua Bendita na parang pinush ng produksiyon ay ang baguhang si Matteo Guidicelli.
Matagal na ring artista si Jason at maituturing na magaling. Hindi rin naman siya pahuhuli pagdating sa looks department, walang dahilan para hindi niya maabot ang rurok ng hinahanap niyang stardom. Ang hirap lang kasi, siguro hindi siya mareklamo at nagkakasya na lamang sa anumang ibigay sa kanya ng network.
* * *
Kung magpapatuloy ang suwerte ni Jillian Ward, maaring maabot niya ang kasikatan ng orihinal na Trudis Liit na si Vilma Santos. Sasandali pa lamang siyang nag-aartista pero nakikilala na siya. May komersiyal na rin siya at pelikula. At pang MMFF pa, ang topbilled by Sen. Bong Revilla and Vic Sotto. Sigurado nang mas marami pa ang makakapanood sa kanya.
Isa si Jillian sa mga child stars na talaga namang nakakaantig umarte. Ang galing-galing niyang umiyak. She reminds me of Judy Ann Santos na walang kahirap-hirap magpatulo ng luha.
Kaya naman marami at magaganda ang plano sa kanya ng GMA 7. Mukhang naka-jackpot sa kanya ang manager niyang si Joe Barrameda kaya ayaw na ba nitong magsulat at gustong maging manager na lamang ng artista?