MANILA, Philippines - Sa patuloy na pag-ikot ng kuwento ng Idol, maraming kaabang-abang na pagbabago ang magaganap sa mga bidang sina Billie (Sarah Geronimo), Vince (Sam Milby) at Lando (Coco Martin).
Dahil sa pagkabunyag ng lihim ni Billie (Sarah), babalik siyang muli sa Maynila ngunit hindi na bilang isang sikat na mang-aawit kundi isang back-up singer. Makaahon pa kaya siya? O mananatili na lamang anino ng isang lead singer?
Si Vince (Sam), love sick pa din kay Billie pero hindi na siya padidikta pa sa kanyang pamilya. Kaya iiwan na niya ang kanyang ina at kapatid at mamumuhay nang mag-isa. Kayanin kaya niya ang buhay-independent? O sumuko din siya sa huli?
At si Lando (Coco), sasapitin ang madilim na buhay sa piitan. Paano na ang kanyang mga kapatid? Makalaya pa kaya siya o habang buhay nang mananatili sa likod ng mga rehas?
Samantala, walang tigil ang buong staff ng Idol sa pagpapaganda sa takbo ng kuwento at production value ng nasabing serye. Patunay sa puspusang pagpapagandang ito ay ang halos araw-araw na taping nina Coco, Sam, Sarah at ng iba pang cast members para lamang maibigay ang gusto ng mga manonood. Ngunit hindi naman daw nagre-reklamo ang tatlo dahil naka-adjust na sila sa kanilang trabaho lalo na nga’t ang dami raw nilang natatanggap ng positive feedback sa audience.
Sulit naman ang mga pagsasakripisyo ng mga staff, crew at mga artista ng serye dahil taob daw ang kalaban dito. Ayon sa huling nationwide survey ng Kantar Media noong Martes, Septyembre 28, nakalamang pa rin ang Idol laban sa katapat nito sa timeslot. Nakakuha ito ng 25.3% habang 21% naman ang Grazilda ng GMA 7.
Samantala, nasa video na ang pelikulang pinagsamahan ng dalawang box-office queen - Sarah at Judy Ann Santos, ang Hating Kapatid.
Kumita nang milyun-milyon ang nasabing dramedy ng taon.
Si Judy Ann ay gumaganap bilang Rica, nakatatandang kapatid ni Cecil, na ginagampanan ni Sarah. Dahil mga OFW ang kanilang mga magulang, laking lola ang magkapatid. Naging seryoso rin si Rica sa pag-aalaga sa bunsong kapatid lalo na nang masugatan ito sa isang aksidente. Nakipaghiwalay pa siya sa nobyo para lang mabantayan ito ng mabuti. Sobrang malapit si Rica at Cecil, ngunit nagbabago ang lahat pag-uwi ng kanilang mga magulang makalipas ang 20 taon.
Dahil sa sobrang pag-aasikaso ng kanilang magulang, parang naagawan na ng papel si Rica kay Cecil. At nang magkaroon ng love interest si Cecil, lalo nang napalayo ang loob ni Rica. Pilit na binabalik ni Cecil ang samahan nilang magkapatid, at hahanapin pa nito ang dating pag-ibig ni Rica. Pero ang problemang ito ay hindi basta-bastang maso-solusyunan at kailangan ng matinding pagbabago upang manumbalik ang kanilang samahan.
Mabibili na ito sa DVD at VCD. Kaya lang sana original ang bilhin ninyo. ‘Wag naman pirated.