Isa na ang I Do sa pinaka-entertaining na pelikula na napanood ko in a long time.
First mainstream movie ito ni Veronica Velasco at nakapanghihinayang na nag-concentrate siya ng matagal sa paggawa ng indie films bago siya nagpasyang gumawa ng mas may malalaking budget na pelikula para sa malalaking film outfits tulad ng Star Cinema.
Ang daming characters na bumubuo sa I Do na batay sa isang totoong kuwento pero ‘di tulad ng happy ending ng mga characters nina Enchong Dee (Lance) at Erich Gonzales (Mayumi Punongbayan), ang mga tauhan sa totoong buhay ay naghihintay pa rin ng kanilang magandang wakas.
Puwede nang magdala ng pelikula ang batang loveteam nina Enchong at Erich, happy sa kanila ang mga nanonood ng premiere showing ng pelikula at hindi na naghanap pa ng iba at mas malalaking artista. Magaling na silang umarte, si Erich nga ang bilis labasan ng luha. Parang ang nakikita ko lang na disadvantage nila ay ang kanilang kabataan.
Totoy at neneng-nene pa ang kanilang kaanyuan, maging ang pinakamakapal na make-up ay hindi ito maitatago. Hindi sila magiging believable na gumanap sa mga mas may edad na role pero ‘yung ginampanan nilang may kabataan pang pareha na nagbabalak pumasan ng isang mas mabigat pang responsibilidad na tulad ng ginampanan nila ay pasable sila.
Gaya nga ng naunang sinabi ko, maraming characters ang nagbigay-buhay at kulay sa buhay ng mga ikakasal, pero lahat sila ay napagalaw ng direktor at nabigyan ng importansiya. Lumabas silang lahat na magagaling na artista. Tulad ng character na ginampanan ni Janus del Prado, isa sa tatlong best friends ni Mayumi na gugustuhin mo ring maging kaibigan pero ewan ko kung marami ang tulad niyang kaibigan sa tunay na buhay. Napansin din ang dalawa pang friends niya na ginampanan nina Melai Cantiveros, muli dahil sa kanyang pa-Ingles Ingles na dialogue at maging ang dating child star na si Alysson Lualhati.
May nag-iisang friend si Lance na aakalain mong walang kabutihang maiko-contribute sa kanyang kaibigan pero hindi pala dahil sa oras ng pangangailangan ni Lance, he was always around. He is ably portrayed by Alwyn Uytingco.
Malaki na at halos dalaga na si Elisa Pineda, gumanap bilang anak ni Piolo Pascual sa 9 Morning. Kapatid siya ni Enchong sa movie.
Pati ang gumanap na mga magulang ng mga ikakasal ay nagmarka rin – Ricardo Cepeda, Isay Alvarez, Pokwang at Dennis Padilla, pati na ang gumanap na lolong si Jun Urbano.
Hindi lamang kuwento ng love story nina Lance at Mayumi ang I Do, kuwento pa rin ito ng pamilya at kung ano ang kahalagahan nila sa buhay ng dalawang major characters.
* * *
Nanghihinayang ako sa friendship nina Kuya Germs at Shalala. It just went down the drain. Totoo ba Shalala na ginagawa mong subject ng mga blind items mo sa TV pati ang taong nagsimula ng career mo at nagbigay ng pangalan mo? Huwag naman! Hindi kasi kita napapanood pero, sana hindi totoo. Isipin mo na lang ang pinagsamahan ninyo at respetuhin mo na lang ang edad niya. May magandang karma ito.
Naiintindihan ko kung bakit iniwan mo siya. May kinalaman dito ang pagnanais mong umasenso at umangat sa buhay. Pero sana i-maintain mo ‘yung friendship n’yo, no matter what you think may mga bagay ka na dapat lingunin.