Kay Mo Twister nanggaling ang tsika na kahit matagal nang walang relasyon sina Ruffa Gutierrez at John Lloyd Cruz ay panay pa rin ang tawag ng aktor sa cell phone ng beauty queen-TV host-actress. Hindi nga lang ito sinasagot ng kanyang co-host sa programang Paparazzi. Maski na si Ruffa ay hindi ito mapabulaanan dahil si DJ Mo mismo ang nakakita nang minsang tumunog na magkakasunod ang kanyang cell phone. Itinanong pa nga nito sa kanya kung bakit hindi niya sinasagot pero nagkibit-balikat lamang sa simula ang dalaga.
Pero nang malaunan ay sinabi nitong hindi lamang nun tumawag sa kanya ang kanyang ex, madalas pa rin silang nagkakausap dahil magkaibigan pa rin naman sila. Ang tanong ng marami ay kung alam ba ng kasalukuyang girlfriend ni JLC na si Shaina Magdayao ang tungkol dito?
Sinabi ni Ruffa na hindi niya alam dahil hindi sila close ni Shaina. Ang ate nitong si Vina Morales ang mas kaibigan niya.
* * *
Sa kabila nang napipintong problemang legal na susuungin ni Willie Revillame kapag itinuloy niya ang kanyang paglabas sa TV5 sa Oktubre 10, madalas pa rin ang paglabas ng mga anunsiyo sa Kapatid Network ng kanyang bagong programa.
Kumalat na ang usapang pagmumultahin siya ng halagang P486 million ng ABS-CBN sa oras na lumabag siya sa kontrata niya sa kanila. Pero maliit lamang ang halagang ito kumpara sa kikitain niya sa bago niyang network na kung saan ay hindi lamang siya isang talent kundi co-producer din. Maaari raw na naka-jackpot na ang dating host ng Wowowee sa pag-lipat niya ng istasyon pero dapat hindi niya balewalain ang kontrata niya sa kanila. Hindi siya hahayaan nang iniwan niyang network na gawin ito at baka siya maging masamang ehemplo sa iba pang artists nila.
* * *
Samantala, nilinaw ni DJ Mo na matagal man niyang hindi nakapiling ang kanyang anak kay Bunny Paras na si Moira, ito ay hindi niya kagustuhan. Sa loob ng maraming taon ay ipinaglihim sa kanya ng ina ng bata ang tinitirhan nila at ni hindi niya alam ang telepono nito. Ito ay bilang sagot niya sa muling paglitaw ng ina ng bata na halos magtu-12 na at nagsasabing wala siyang suporta sa anak niya rito.
Ipinaliwanag ni Mo na wala sa kanya ang pagkukulang kundi nasa ina ng bata. Kung talagang tapat ito sa sinasabi niyang dapat may suporta niya sa anak nila, dapat hindi niya itinago si Moira sa kanya. Mga pitong taon ding hindi nagkita ang mag-ama. Sinabi ni Mo na sa susunod na maging ama siyang muli, hinding-hindi na niya papayagan na hindi siya maging ama sa anak. Para sa kanyang susunod na babaeng mamahalin, ipinangako niyang siya ang magiging the best boyfriend.
Sa ngayon ay inili-link siya kay Lovi Poe na kasama niya sa kanyang pelikulang ginagawa pero sinabi niyang magkaibigan lamang sila. Tulad din ng pagiging magkaibigan nila ni Rhian Ramos, mas close lamang siya sa huli dahil mas matagal na silang friends.
* * *
May dapat sigurong matutunan si Mariel Rodriguez sa nakahiwalayang asawa ni Robin Padilla na si Leizel Sicangco. Ayon sa huli, ang major, major na dahilan kung bakit pinili na niyang makipaghiwalay ay ang pambababae ni Binoe. Umabot na siya sa sukdulan kaya sumuko na siya. Sa kabila ng kahinaang ito ni Robin, sinabi rin niya na masyado itong seloso. Kaya kung si Leizel na hindi masyadong exposed ay napagseselosan pa, paano pa kaya ang masyadong ma-PR na si Mariel? Ang pagiging maybahay kaya ang maging kasukdulan ng career ni Mariel?