Naka-scoop ang Startalk noong Sabado dahil sa exclusive coverage namin sa pagpapatuloy ng construction ng school ni Robin Padilla sa Fairview.
Halos kumpleto ang pamilya ni Robin dahil naroroon ang kanyang ina, mga kapatid, anak at ang bagong misis na si Mariel Rodriguez.
Medyo pumayat si Robin dahil may sakit siya pero kitang-kita na maligaya siya sa piling ni Mariel na host ng kalaban na show ng Startalk pero napanood sa aming programa.
Nag-sorry si Robin sa pamilya ni Mariel dahil sa balita na nagpakasal sila. Ang feeling ni Robin, nalapastangan ang pamilya ng kanyang “misis” dahil clueless sila sa balita na nagpakasal ang dalawa.
Nag-promise si Robin na isang araw eh kakatok siya sa tahanan ng pamilya ni Mariel para personal na hingin ang kamay ng kanyang “misis.”
’Di lumabag sa qur’an sa pagpapahid ng dugo ng baboy
Naimbyerna ang mga Muslim sa balita na ikinasal sa Ibaloi traditional ceremony sina Robin at Mariel. Nag-react sila dahil labag sa Islam ang akto nang pagpapahid ng dugo ng baboy sa mukha ni Robin dahil Muslim ito.
Ibinigay ng action star ang kanyang panig at binasa pa niya sa harap ng TV camera ang Qur’an, ang banal na aklat ng mga Muslim. Wala silang nilabag ni Mariel dahil hindi nakalagay sa Qur’an na bawal magpahid sa mukha ng dugo ng baboy.
Hindi naman sila kumain ng karne ng baboy na mahigpit na ipinagbabawal sa relihiyon ng Islam.
Hindi inamin nina Robin at Mariel ang tsismis na nagpakasal sila pero naniniwala ang mga tao na totoo ang balita.
Hindi magsisinungaling ang Ibaloi priest na nagkasal kina Robin at Mariel sa Baguio City.
Saka, nag-congratulate din sa dalawa si Mommy Eva Cariño, ang nanay ni Robin, na convinced na may naganap na kasalan sa lugar nila sa Baguio City.
Bunso ni Robin nainip sa interbyuhan
Aliw na aliw ako kay Alih, ang anak nina Robin at Liezel Sicangco na uuwi na ngayon sa Australia para makasama ang kanyang madir.
Naaliw ako sa bagets dahil talagang na-bore siya sa presscon at sa mahabang tanong ng mga reporters.
Rinig na rinig sa TV ang mga one-liner ni Alih na hindi type ang interbyuhan portion. Magiging private citizen na uli ang bagets sa pagbabalik niya sa Australia dahil walang reporter doon na mag-uusisa sa kanya.
Sabik na sabik na si Liezel na makapiling ang bunsong anak nila ni Robin. Nakaplano na ang mga lugar na pagpapasyalan niya kay Alih na mag-aaral sa Australia kaya matagal-tagal na hindi makikita ni Robin.
Bantatay parang kuwento ng ghost
Huwag ninyong kalimutan na panoorin ngayong gabi ang Bantatay, ang bagong primetime show ng GMA 7.
Si Charlie ang bida sa Bantatay. The who si Charlie? Siya ang yellow labrador dog na bida sa Bantatay at sa kanya sasapi ang kaluluwa ni Raymart Santiago.
Mala-Ghost ang kuwento ng Bantatay. Ang pagkakaiba lang, aso at hindi tao ang sinapian ng kaluluwa ng bidang lalaki na hindi pa ready na mawalay sa kanyang mga mahal sa buhay. Mapapanood ang Bantatay bago ang 24 Oras.