MANILA, Philippines - Mahirap isulat sa isang libro ang lahat ng pinagdaanan ng GMA Network sa loob ng 60 taon, lalo na’t iba’t ibang tao ang naging bahagi ng kasaysayan ng network. Ngunit sa tulong ng mga piling tao, maibabahagi na ngayon ng GMA Network sa publiko sa pamamagitan ng isang coffee table book – ang Kapuso : The GMA Story – ang makulay na istorya nito.
Nanguna ang triumvirate ng GMA na sina Felipe L. Gozon, Gilberto M. Duavit, Sr., at Menardo R. Jimenez sa pagbabalik-tanaw sa pagsisimula ng network sa industriya.
Sa section na Early Days, ikinuwento naman ng dating GMA executives at officers na sina Rodolfo Reyes, Freddie Garcia, Antonio Seva at Tina Monzon Palma ang kanilang mga hindi malilimutang karanasan sa GMA, pati na ang kanilang naging papel sa kasaysayan ng network.
Ibinahagi sa libro kung paano unti-unting natupad ang vision ng GMA Network.
Dinetalye rin kung paano nagtagumpay ang GMA Network sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at proyekto nito, hindi lang sa boob-tube kundi pati na sa big screen.
Sa pagtatapos, nagbigay ng patikim ang GMA President, Chairman and CEO na si Felipe Gozon ng mga dapat abangan ng publiko mula sa network sa mga susunod na taon.