Babalik na bukas sa Australia si Alih Padilla kaya nagkaroon ng despedida party para sa kanya.
Ginanap ang despedida party sa dating bahay ni Robin Padilla sa Fairview na ginawang school.
Dumalo sa despedida ang angkan ng Padilla sa pangunguna ni Mommy Eva Cariño at ng mga kapatid ni Robin.
Kasabay ng despedida para sa bunsong anak nina Robin at Liezel Sicangco ang victory celebration dahil nakapasa sa medical board exam ang pamangkin ni Robin.
Ewan ko lang kung ipinagdiwang din kahapon ang pagpapakasal nina Robin at Mariel Rodriguez sa Baguio City noong Sept. 13.
Hindi lang pala ang nanay ni Robin ang nagulat sa ura-oradang pagpapakasal nila ni Mariel dahil na-surprise rin ang kanyang mga kapatid.
Tumanggi si Mommy Eva na magsalita sa harap ng camera pero pumapayag siya sa phone-patch interview.
Mga muslim hindi naniniwala sa statement ni Robin
May reaksiyon ang mga Muslim sa statement ni Robin. Hindi sila naniniwala na para sa ABS-CBN project nina Robin at Mariel ang Ibaloi traditional wedding ceremony na nangyari noong nakaraang Lunes.
Naniniwala ang ating mga kababayan na Muslim na talagang nagpakasal ang dalawa dahil na rin sa kuwento ng Ibaloi priest na umapir sa TV.
Na-hurt ang mga Muslim dahil hindi binigyan ni Robin ng importansiya ang Islam. Sa madaling-salita, hindi sila satisfied sa statement ng kanilang kapatid sa pananampalataya.
Tiyak na may paliwanag uli si Robin pero official statement muna ang kanyang inilabas dahil ilang araw nang masama ang pakiramdam niya.
Liezel pinanindigan na kasal na noon pa sina Robin at Mariel
Isang simpleng congratulations ang message ni Liezl sa kanyang ex-husband pero nag-dialogue siya na noon pa nagpakasal sina Robin at Mariel.
Maligaya na si Liezel sa piling ng bagong asawa niya at siya ang unang nagpakasal sa ibang lalaki kaya tama lang na congrats ang kanyang ipinarating sa bagong kasal. Baka magmukha siyang bitter kung maglilitanya pa siya laban kina Robin at Mariel.
Paolo nambitin
Naloka ako dahil two parts pala ang pilot telecast ng Asar Talo Lahat Panalo. Si Paolo Contis ang guest kahapon sa bagong game show ni Edu Manzano sa GMA 7 at may part 2 sa Lunes ang kanyang guesting.
Simple ang paliwanag ng staff ng Asar Talo. Talagang may part 2 ang episode kapag mahaba ito dahil sa masaya na asaran ng contestant at ng mga sulsulero.
Nabitin ang mga nanood kahapon ng Asar Talo dahil gusto na nilang malaman kung na-getlak ni Paolo ang jackpot prize na P200,000.
Nanghihinayang ang mga televiewers dahil may pasok sa Lunes. Baka hindi nila mapanood ang resulta ng pagsali ni Paolo sa Asar Talo.
Venus swak sa ‘Beauty Queen’
The Beauty Queen na uli ang title ng drama show ni Iza Calzado. Napabalita noon na pinalitan ang pamagat at ginawang Koronang Papel pero mas gusto ng direktor na si Joel Lamangan ang original title nga na The Beauty Queen.
May participation sa The Beauty Queen si Venus Raj at katuparan ito ng kanyang pangarap na pumasok sa showbiz. Tungkol sa buhay ng beauty queen ang kuwento ng bagong show ng Kapuso kaya swak na swak si Venus sa kanyang unang TV project.