MANILA, Philippines - Hindi korona ang kanilang pag-aagawan kung hindi $1 million at hindi Miss Universe ang kanilang sinalihan kung hindi ang inaabangang The Amazing Race season 17 na may 90-minute premiere ngayong Lunes (Sept 20), 9:30 p.m. at mapapanood linggu-linggo, 10:30 p.m. sa Studio 23.
Ilan nga lang sina Miss Kentucky Mallory Ervin at Miss South Carolina Stephanie Smith sa mga bumubuo ng 11 teams na iikutin ang buong mundo sa loob lamang ng ilang araw sa kinasasabikang pagbabalik ng Emmy-award winning reality show sa telebisyon.
Isa lang ang TAR sa mga top-rating program ng Studio 23 na pumalo ng 4.1% audience share noong Agosto, ang pinakamataas ng Kabarkada Network ngayong taon.
Ayon sa Kantar Media, ang Studio 23 ang nagtala ng pinakamalaking pagtaas sa national TV audience share ngayong taon kumpara sa mga karibal nitong channels tulad ng TV5, QTV11 at Solar TV.
Ibig sabihin, lumalakas na ang suporta ng mga manonood sa kanilang mga programa tulad ng mga pelikula sa tanghali, Koreanovelas, animes, Top Rank boxing matches, at UAAP/NCAA games.
Mapapanood na rin sa Studio 23 ang hardcore wrestlers ng WWE Superstars tuwing Linggo, 9:30 p.m. kaya abangan natin ang mainit na bakbakan sa maaksiyong star-studded event at alamin na kung sino ang karapat-dapat na tanghaling superstar.
Sa local front, maglalaban-laban ang mga Pinay high school at college dance groups sa Lactacyd’s Confidance Hiphop Challenge, kasama sina Xian Lim, Tricia Santos at Megan Young tuwing Sabado, 6:30 p.m. Sino nga kaya sa mga kalahok ang magpapakita ng confidence sa dance floor at makakapag-pop, break, bounce at krump patungo sa jackpot prize?
Samantala, kikilalanin naman nina Angel Aquino, Chesca Garcia at Iya Villania ng Us Girls ang star for all seasons na si Governor Vilma Santos sa Sept 26 at susugurin naman nila ang bahay ng nag-iisang rockoustic heartthrob na si Sam Milby sa Oct 3.
Kamakailan, sinumulang ihandog ng Studio 23 ang kanillang double primetime block mula 6:00 p.m. hanggang 11:00 p.m. ng gabi. Simulan pagpatak ng alas-sais sa back-to-back Asianovela na KO One at Romantic Princess na susundan ng Barkada Nights.
Matapos ibigay ng News Central ang pinakamainit na mga balita, tuloy ang double primetime viewing sa back-to-back foreign series na kinabibilangan ng Grey’s Anatomy at Dirty Sexy Money tuwing Lunes; NCIS : Los Angeles at CSI tuwing Martes; Legend of the Seeker at Smallville tuwing Miyerkules; Flash Forward at Ghost Whisperer tuwing Huwebes at Desperate Housewives at 90210 tuwing Biyernes.
* * *
Yup, gustong ma-stranded ng mga Pinoy kasama si Piolo Pascual at Zaijian Jaranilla sa isla ng Noah matapos manguna sa national TV ratings para sa buwan ng Agosto ang Kapamilya fantaserye ayon sa Kantar Media.
Pumalo ang Noah sa average rating na 35.9% kumpara sa Kapuso reality show na may 27.4% lang.
Dahil sa hindi matinag na Primetime Bida ng ABS-CBN kung kaya’t nananatiling namamayagpag ang Kapamilya Network sa national TV ratings noong Agosto sa average audience share na 41% laban sa 34% ng GMA 7. Panalo rin ang Dos sa Balance Luzon (mga lugar sa Luzon sa labas ng Mega Manila) nang tumala ito ng audience share na 43% vs GMA 7 na may 38%.
Balwarte pa rin ng ABS-CBN ang Visayas na may 58% audience share vs GMA7’s na may 25% at maging ang Mindanao na nilamon ang kalaban sa audience share na 64%, 48 puntos ang lamang sa GMA7 na may 16% lang.
Positibo ang epekto ng pamamayagpag na ito sa network dahil mas pinagkakatiwalaan sila ng mas maraming advertisers lalo pa’t 43% ng may kakayahang mamili (mga nasa classes ABCD na bumubuo sa 82% ng total urban population) ay nakatutok din sa ABS-CBN kumpara sa kalaban na may 34%.
Siyam sa top ten na programa para sa buwan ng Agosto ay mula sa ABS-CBN.
Kapansin-pansin na Momay pa lang ay hindi na makaungos ang mga ipinagmamalaking programa ng GMA 7 tulad ng Langit sa Piling Mo (15.4%), Pilyang Kerubin (21.2%), Ilumina (20.4%), at maging ang tambalan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa Endless Love (19.2%).
Maging sa radyo at cable ay panalo ang ABS-CBN Corporation. Ang DZMM Radyo Patrol 630 ang nanguna sa lahat ng AM radio stations sa isinagawang July 2010 Nielsen Mega Manila RAM sa audience share na 31%, mas mataas ng 12 puntos sa DZBB (19%) at 13 na puntos naman sa DZRH (18%).
Ang cable TV channel naman na DZMM TeleRadyo ang kinikilalang top cable news channel sa July 2010 Kantar Media-TNS Survey sa lahat ng households na may cable. Natalo nito ang international news channels na CNN, BBC, Fox News at Channel News Asia.
Lumipat ang ABS-CBN sa Kantar Media/TNS matapos magsampa ang network ng kaso laban sa AGB Nielsen Media Research sa hindi nito pagsunod sa hinihiling na imbestigasyon sa diumano’y pandaraya at pagmamanipula ng datos sa kanilang TV ratings. Nakabinbin pa rin ang kaso sa korte hanggang sa kasalukuyan. (CK)