Kapag tunay na artista, dapat walang limit sa role na puwedeng gampanan. Isali mo na rito si Jolina Magdangal na sa tagal ng pagiging artista has decided sa pamamagitan ng kanyang manager to tackle a role na sinasabing higit sa kanyang edad. Ito ay ang pagiging fairy godmother sa bagong fantaserye, ang Grazilda, isang pagpapatuloy ng kuwento ni Cinderella na ang tuon ay nasa isa sa kanyang wicked stepsister na dahil sa kanyang kasalbahihan ay pinarusahan ng kanyang fairy godmother at itinapon sa mundo ng tao.
Si Jolina ang gumaganap ng role ng fairy godmother at bagaman at sinasabi ng lahat na pang-matanda ay isa pa rin itong trabaho na magpapamalas hindi man ng kanyang kagalingan sa pag-arte kundi ng kanyang propesyonalismo. Sinasabi namang godmother ang kanyang role at hindi grandmother. At sa mundo ng pantasya, lahat ay posible, ang godmother can be as young-looking as Jolina.
Ngayon, kung tatanungin mo siya kung sa susunod ba ay tatanggap na siya ng mother role, puwede bang hindi? Pero ang mga anak niya ay kinakailangan namang hindi mas matanda sa kanya sa tunay na buhay. Puwede naman siyang young mom, pero kahit anong make-up ang gagawin mo sa kanya, hindi siya papasang isang middle aged mom with grown-up kids.
Si Jolina ang isa sa biniyayaan ng Diyos ng isang mukhang matagal bago tumanda. Marami nga ang nag-aakala na napaka-bata pa niya para magpakasal sa kanyang nobyo pero sa totoo lamang marami sa kanyang nakasabayan ang may sari- sarili na ring pamilya ngayon – isa si Judy Ann Santos.
“Wala sa akin ang pagpapasya. Kinakailangang may mag-propose para mangyari ito. Darating din ako sa punto na mag-aasawa ako, naiisip ko na rin ito. Napapag-usapan na rin namin ni Marc (Escueta, her boyfriend, ang drummer ng Rivermaya na madalas ipagkamali sa singer na kumakanta sa Party Pilipinas na si Miguel Escueta) ito pero wala pang mga detalye, like ‘yung wedding entourage na dapat ay mga kaibigan ko ang kasama pero karamihan sa mga friends ko ay bading kaya kadalasan nauuwi ang usapan namin sa tawanan.
“Okay kami ni Marc, compatible ang mga values namin. Pareho kaming mahilig sa computer at photography. Flattered nga ako na gusto niyang mag-business kaming dalawa, ‘yung talagang sa amin lang dahil ibig sabihin itinuturing na niya akong bahagi ng buhay niya. Appreciated ko na kahit ang layo ng Tagaytay, matiyaga siyang nagpapabalik-balik at kapag wala ako, siya ang nagpapakain sa alaga kong French bulldog. Mahal ang tawagan namin sa isa’t isa,” masayang kuwento ng dalagang halata mong in love.
* * *
Ano kaya ang atraksiyon ng dagat at marami ang gustong dito magpakasal? Sabi ng magnobyong Marco Alcaraz at Precious Lara Quigaman na sa beach, puwedeng sobrang kaswal at simple lamang kasal pero hindi matatawag na simple at kaswal ang inihahandang beach wedding naman ni Ogie Alcasid lalo’t ang isusuot ng kanyang magiging bride na si Regine Velasquez ay hindi piso ang halaga kundi dolyares, $8,000.
Nakatakda na sa huling buwan ng taong ito ang kina Ogie’t Regine pero wala pang petsa ang kina Marco at Precious Lara. At ewan ko kung matutupad ang kahilingan ng dalawa na limitado lamang ang imbitado dahil siguradong maraming kaibigan ang dating Miss International at sinabi na nilang sa Boracay ito magaganap.
Wala pang ganitong rebelasyon sina Ogie pero kung gusto nila ng privacy dapat hindi nila gawin ang kasal nila sa isang beach resort na puntahan ng maraming tao.
* * *
Poor Bela Padilla!
Kahit siguro siya ang nasa lugar sa kontrobersiyal na away na kinasusuungan niya, hinding-hindi siya makakakuha ng simpatiya sa mga kasamahan niya dahil inilagay niya sa alanganin hindi lamang ang trabaho nila kundi ang katayuan nilang lahat sa network.
Eh kung mawala nga naman ang show dahil sa kanya, may magagawa ba siya para sa pangangailangan nila? Nag-aakyat ng pera sa kumpanya ang nakaaway niya kaya magtataka pa ba siya kung ayawan nila siya’t hindi imikan tuwing may trabaho sila?
Ngayon, unti-unti niyang mararamdaman na sana hindi na lamang siya umimik, hindi pa malalagay sa alanganin ang career niya. SOP ito hindi lamang sa mundo ng showbiz kundi sa lahat ng sector ng lipunan.
Kung may kontrata siya sa istasyon, malamang magmukha siyang ice cream sa lamig. Totoo ang banta sa kanya ng nakaaway niya, kayang-kaya nitong ipatanggal siya sa mga shows niya. Ngayon huli na para tumahimik siya, ituloy man niya o hindi ang laban niya, inilagay na niya ang career niya sa peligro. Kung nakakontrata siya, sorry na lang siya. Kung hindi pa, may pag-asa pa siyang umangat sa ibang kumpanya.