Umamin, Mega nasasaktan 'pag pinupuna ang katabaan!

MANILA, Philippines - Naha-hurt pala si Megastar Sharon Cuneta sa tuwing pinupuna ang kanyang katabaan.

Pero sinasabayan na lang daw niya ng tawa para hindi na lang siya masyadong masaktan sa mga taong hindi naman niya maintindihan kung bakit pinag-iinitan ang kanyang lumaking katawan.

Hindi na lang daw niya pinapansin dahil ang pakiramdam naman daw niya hindi naman importante ang mga taong namumuna sa kanya sa kanyang katabaan.

“Kahit bali-baligtarin nila ang mundo masarap ang buhay ko. Ayoko nang mag-reklamo. Kawawa naman itong mga taong ito, wala nang maipintas sa akin, kundi taba.

“Pag physical, never naman akong nagka-problema dun. Hindi ako nag-feeling Miss Universe kahit kailan,” sagot ni Mega lalo na nga at siya ang magiging host ng The Biggest Loser Pinoy Edition at maganda ang timing sa kanya dahil oras na ipalabas na ito next year, siguradong payat na si Mega dahil kakarerin niya na raw ang pagpapapayat.

Anyway, sa loob ng 32 taong pamamayagpag sa showbiz bahagi na nga ng buhay natin si Mega.

Matapos niyang bigyan ng kulay at buhay ang sambayanan sa pamamagitan ng pinagbidahan niyang higit sa 50 pelikula at primetime TV shows, at gumawa ng halos 40 album, ready na siya para sa mas bongga pa niyang career.

Handa na siya sa tatlo niyang bago at kakaibang mga programa.

Kabilang ang The Biggest Loser Pinoy Edition.

Kilala sa pagiging take-one actress at pinaka-epektibong Filipina endorser, ina’t maybahay na si Sharon.

Maging ang asawa niyang si Sen. Kiko Pangi­linan ay excited na sa ‘bagong’ career ng kanyang misis.

 “She is preparing herself to be in tiptop shape and in fighting form for these new shows entrusted to her.”

Diskubrehin naman ang kakaibang Megastar sa Sharon at Home na magsisimula na sa September 18, 6:30 p.m., sa Lifestyle Network.  

Ito ang mauuna sa bago niyang tatlong programa.

Sa Sharon at Home, ibabahagi ng maka-pamilyang Megastar ang mas malalim pa niyang ug­na­yan sa mga taong naging bahagi na ng makulay niyang personal na buhay - mga kapamilya, kaibigan at pati na ang mga katrabaho sa industriya na naging katuwang ni Sharon na marating ang rurok ng tagumpay.

Ang sunod niyang programa ay ang Star Power kung saan magbibigay siya ng pag-asa sa mga kababaihang may edad 15-21, mula sa Luzon, Visayas at Mindanao na magpakitang-gilas sa pagkanta at maging ganap na mga bituin sa hinaharap.

Ang Star Power ay magsisimula sa October 10 sa ABS-CBN.

Anyway, going back to The Biggest Loser Pinoy Edition, hahamunin naman niya ang mga heavyweight na Pinoy na magbawas ng timbang at magbago ng lifestyle patungo sa mas malusog na pangangatawan at magandang buhay.

Bukod sa pagtulong sa mga kalahok na maging physi­cally fit sa pamamagitan ng matiyagang pag-eehersisyo at istriktong diyeta, uungkatin din ni Sharon ang mga isyung nakapaloob sa buhay ng mga heavyweight na contenders. At higit sa lahat, magiging daan ang Megastar kung paano dadalhin at sosolusyunan ang mga suliraning ito sa pamamagitan ng pagmamahal sa sarili.

     At ngayon ding Oktubre, ihahatid ng ABS-CBN Licensing ang Celebrations by Sharon, tampok ang homeline ni Megastar tulad ng cookware, bakeware, chaffing dishes,small kitchen appliances at potted herbs na masusing pinili ni Mega-mom. Ito’y malapit nang mabili sa mga leading department stores nationwide.

* * *

Hindi pinatulan ni Edu Manzano ang mga naunang sinabi ng starlet na si Keanna Reeves na may nangyari sa kanila ni Luis Manzano sa mismong condo nito. Ang nasabing condo unit ni Luis ay ipina­mana ni Edu sa panganay na anak.

Ayaw makialam ni Edu sa issue.

Kung sabagay kung pinatulan niya pa ‘yun, hahaba na naman ang kuwento eh naghahanap lang naman talaga si Keanna ng puwedeng issue na pag-uusapan siya.

Anyway, excited na si Edu sa bago niyang programa sa GMA 7 na Asar Talo, Lahat Panalo.

Mas mauuna ang birthday niya sa September 14 at ang airing ng kanyang bagong programa ay sa Sept. 18.

Monday to Saturday mapapanood ang kanyang programa bago mag-Eat Bulaga.

Show comments