MANILA, Philippines - Siguradong magiging mas masaya at kagana-gana ang home viewing experience ng lahat dahil sa mga panibagong handog ng GMA Records and Home Video.
Una sa listahan ang ika-apat at pinakabagong version ng Chef Mom Rosebud’s Quickfire 10-minute Kitchen Wonders. Seafood ang tema ng volume na ito na naglalaman ng 12 pawang masasarap, masusustansiya at madadaling gawin na recipes mula mismo sa programang Quickfire ng Q Channel 11. Ilan sa mga ito ang King Crabs with Garlic Chilli Sauce, Tequilla-Spiked Clam Pasta, Tri-Pepper Seared Tuna, Cocktail Prawns with Strawberry and Balsamic Sauce, at marami pang iba!
May kasama pa itong free recipe booklet upang mas lalong padaliin ang pagsunod sa step-by-step recipe guide na hatid ng maganda at mahusay na chef mom Rosebud Benitez. Ang Chef Mom Rosebud’s Quickfire 10-minute Kitchen Wonders ay mula sa Q Channel 11 at AJI-NO-MOTO Umami Seasoning.
Samantala, mabibili na rin sa DVD ang pinagmamalaking first reality sitcom on TV ng GMA 7 na Pepito Manaloto. Tinatampok sa programang ito ang three-time Asian TV Award-winning comedian Michael V. bilang si Pepito, isang dating mahirap na sinuwerteng manalo ng P700 million sa lotto. Balik-balikan ang mga nakakatuwa niyang pakikipagsapalaran bilang isang bagong milyonaryo sa Pepito Manaloto DVD collection.
Mula comedy, ilulunsad din ang Pinoy version ng Koreanovelang Endless Love. Pinagbibidahan ito nina Dingdong Dantes at Marian Rivera bilang Johnny at Jenny, kasama rin si Dennis Trillo bilang Andrew. Ang completing DVD collection ng Endless Love ay nakatakdang ilabas ngayong last quarter ng taon.
Isa pang dapat abangan ang latest album ng King of Soul na si Janno Gibbs na may titulong Janno G. The Anthology. Maglalaman ito ng mga greatest hits ni Janno tulad ng Ipagpatawad, Fallin, I Believe in Dreams, Ikaw Lamang, Binibini, Almost Over You at If Not In Love. Mabibili ito ngayong huling quarter ng taon kasabay nang nalalapit niyang concert.
Ang mga nabanggit na panibagong releases ng GMA Records and Home Video ay mabibili sa SM Music Box, Odyssey, Astroplus, and Astrovision outlets nationwide.