Hanggang ngayon hindi pa rin maliwanag sa akin kung kailan magsasampa ng demanda si Nora Aunor laban sa mga taong naging sanhi para mawalan siya ng boses at hindi na makapagtrabaho.
Sa bilis ng aming pagkikita ay marami kaming bagay na napag-usapan, una na ang kanyang kalagayan at ang naging dahilan nito pero nakaligtaan kong itanong kung itutuloy niya ang kanyang demanda at kung kailan niya ito gagawin.
Tanong ng maraming kumausap sa akin, ano ang pumipigil kay Nora para hindi pa siya magdemanda ngayon na, eh wala siyang pinagkakakitaan? Wala nga siyang pera para magpagamot sa isang doktor sa Boston na nakakagamot ng ganitong sakit, ’yun nga lang may kamahalan ang treatment at hindi pa sigurado na babalik ang boses niya.
Sinabi rin niyang gustuhin man niyang magdemanda, wala naman siyang ikakaya sa napakalaking gastusin na kakailanganin niya, eh isang napakalaking kumpanya ang babanggain niya. Gusto kong sabihin na tanggapin na niya ang mga tulong na pinansyal na ibinibigay ng marami sa kanya, pero ayaw niya, so, ano ang gagawin niya?
Hindi ko rin alam. Hindi ko naman siya puwedeng pangunahan. Hintayin na lamang natin ang gagawin niyang pagpapasya.
* * *
’Di ba kayo naguguluhan sa away nina Claudine Barretto at Angelica Panganiban? Ako kasi, gulung-gulo. ’Di ko na alam ang puno’t dulo ng away nila. Akala ko kasi si Angelica ang pinagbibintangan ni Claudine na nagkakalat ng mga malisyosong usapan tungkol sa kanya at sa isang lalaki na sinasabing naka-relasyon niya na kaibigan ni Derek Ramsay.
Ngayon naman si Claudine ang pinatatahimik ng abogado ni Angelica dahilan sa pagsasalita nito’t pagbabanta sa kliyente niya. At pinababawi pa nito kay Claudine ang mga diumano’y sinabi niya laban kay Angelica.
Sino ba talaga ang nagsimula ng gulo? Nakakagulo pa kasi ’yung pakikialam at pakikisawsaw ng marami. Dati namang magkaibigan ’yan, hindi naman siguro sila tatanggi na maayos na ang lahat para tumahimik na ang buhay nila.
* * *
Kung ako ang tatanungin, dapat ’di na nakikipag-boksing pa si Manny Pacquiao, kasi kongresista na siya. May obligasyon na siya sa maraming tao na bumoto sa kanya na naniniwalang makatutulong siya ng malaki para mapabuti ang buhay nila. Kapag nasa boxing ring siya ay inilalagay niya sa panganib ang kanyang buhay. Kapag may masamang mangyari sa kanya, tapos na rin ang pag-asa nila.
Mag-retire na lang siya habang maaga and concentrate on his work as a congressman. Maaaring maliit ang kikitain niya rito kesa boxing pero sino ba ang pumili para siya maging kongresista, hindi ba siya rin? Tutal matagal na niyang pinaliligaya ang kanyang mga boxing fans. Sapat na iyon. ’Di ba, Mommy Dionisia?