MANILA, Philippines - Kakaibang kuwento. Bagong tambalang tiyak na kakikiligan. Batikang mga aktor at komedyante. Mahuhusay na mga direktor. Pinagsama-sama ng ABS-CBN ang lahat ng ito sa isang teleseryeng magpapaganda ng inyong gabi, Idol, simula na sa September 6.
Isang seryeng punung-puno ng pangarap at pag-asa, umiikot ang kuwento ng Idol sa isang babaeng nagngangalang Billie na gagampanan ni Sarah Geronimo. Matatamo niya ang dagling kasikatan sa pamamagitan ng pag-awit. Ngunit dahil sa napakalaking pagkakautang ng pamilya, mapipilitan siya na iwan ang kasikatan habang tinatago ang kanyang tunay na pagkatao na siyang nagtulak sa kanya upang mamuhay ng isang simpleng buhay bilang si Jean.
Mahahati ang kanyang puso sa dalawang makikisig na lalaki na sina Sam Milby bilang Vince at Coco Martin bilang Lando, na parehong mahuhulog sa dalaga.
Matapos na pagtuunan ng pansin ang kanyang pagkanta sa loob ng maraming taon, ngayon ay muling sasabak si Sarah sa matinding pag-arte sa kanyang pagbabalik sa Primetime nights ng Kapamilya.
Ang kanilang naiibang tambalan ang siyang dapat ding pakatutukan. Hindi lamang iyon ang dapat abangan, nariyan din ang nga bagong mukha sa showbiz na kakikitaan ng malaking potensiyal, tulad nina Emmanuelle Vera at ang kampiyon ng Pilipinas Got Talent na si Jovit Baldivino.
Kabaliktaran sa iniisip ng mga manonood, ang Idol ay hindi lamang isang simpleng teleseryeng pinagbibidihan ng mga artistang mahuhusay din sa pag-awit. Mapapakinggan din dito ang mga awiting OPM bilang pagpo-promote sa ating sariling musika.
Bukod sa pagpapakilig nina Sarah(Billie at Jean), Sam (Vince), at Coco (Lando) ka-join din sina Agot Isidro bilang Laura, Zsa Zsa Padilla bilang Eleanor, Malou de Guzman bilang Sharona, Jessa Zaragosa bilang Marimar, K Brosas bilang Rosalinda, Marissa Sanchez bilang Maria Mercedes, Robert Seña, Neil Sese bilang Samson, Jovit Baldivino, Van Roxas, Emmanuelle Vera at Tippy delos Santos.