Kung sa pagkanta ay baka matagalan pa bago makabalik si Nora Aunor, kung makakabalik pa siya, may nababanaag naman siyang pag-asa sa paggawa ng pelikula.
May offer sa kanya para gumawa ng pelikula mula sa isang independent film producer. Kinokonsidera niya ito pero hindi pa agad-agad dahil sa kanyang kalagayan.
Samantala, ipinakikiusap ko namang huwag lagyan pa ng kulay o intrigahin ang pagsama ni Juan Rodrigo sa konsiyerto ni Nora. Katulad namin, gusto rin lang makatulong ng isang dating naging leading man ng aktres. Wala nang ibang dahilan pa.
Sa rami ng problema ngayon ng superstar, huwag na nating dagdagan pa, ito naman ay kung puwede lang.
* * *
Sana mag-usap na lang ng maayos sina Dingdong Dantes at Bayani Agbayani para hindi na lumala ang away na kinasasangkutan nila.
Hindi sila talaga magkakaayos kung dadaanin nila ito sa init ng ulo. Darating ang araw na magkakasama sila sa trabaho dahil iisa lang ang network na kinaaaniban nila. Huwag na nating hintayin pa na pareho silang umiwas na magkasama gayung pwede naman silang maging magkatrabaho.
* * *
Napakabait naman talaga ni Billy Crawford. Nalaman ko na nauna pala itong magkaroon ng show sa Australia at lahat ng pinanggalingan niya ay pawang magagandang salita ang sinasabi tungkol sa kanya.
Thank you, Billy Joe.
Marunong kang lumingon sa pinanggalingan mo kaya patuloy ang tagumpay mo.
* * *
O lumitaw na si Jake Vargas sa Ilumina. Supladito ang role niya at keri naman niya. Bagay sila ni Bea Binene.
Sana mabigyan pa sila ng ibang projects para maipakita pa ang talent nila at maipamalas na meron din silang chemistry.
Alam n’yo ba na pati sa Australia ay hinahanap sa akin si Jake? Sayang at di siya nakasama sa last travel ko. Di kasi niya maiwan ang taping ng Ilumina, lalo na ngayong lumabas na ang mga characters nila ni Bea. Yung album nga niya sa Dyna Music, sisimulan na sana niya pero may conflict din ang sked sa recording ng album at taping ng series. Pero huwag kayong mag-aalala, magagawa at magagawa niya ang album, konting pasensiya lang.