Dahil kay Marian, Dingdong nagiging palaaway!

No matter what the provocation is, dapat hindi nakakalimot sa sarili si Dingdong Dantes. Puwede nang resolbahin ang problema sa pamamagitan ng isang magandang pag-uusap.

Tuloy nabahiran pa ang magandang imahe ni Dingdong. Hindi ba may balak siyang luminya sa pulitika pero isang malaking minus point sa  personalidad ang ginagawa ni Dingdong.

Lumalabas tuloy na naging palaaway siya dahil sa girlfriend niyang si Marian Rivera.

* * *

Naayon naman pala sa batas kung matanggal sa kanilang trabaho ang mga OFW natin sa Hong Kong. Ang requirement lamang pala ay bigyan sila ng 3-day notice ng kanilang mga amo at hindi ora-orada silang paaalisin.

Nagkaroon ng pangamba ang mga OFW natin dahil sa naganap na hostage taking kamakailan na kung saan ilang mga Chinese national ang napatay. Hindi nga naman natin maalis ‘yung magalit sila sa atin at ang pagtatanggal sa mga kababayan natin sa trabaho ang maging isa sa mga resulta ng nasabing krimen na ginawa ng isa naman nating kababayan.

Ipagdasal na lang natin na mabilis itong makalimutan ng mga Tsino at mabalik sa dati ang pakikitungo nila sa atin at sana maging maganda ang ginaganap na imbestigasyon para agad mabigyan sila ng hustisya.

* * *

Pasko na! Namasyal ako sa Divisoria para mamili ng mga materyal na magagamit sa set ng Walang Tulugan at napaka-festive na ng atmosphere sa nasabing pambansang pamilihan, marami nang tindahan ang nag-display na ng mga Christmas décor.

Marami ang mura para siguro maibenta na ‘yung mga natira nung last Christmas at makabili ng mga bagong supply. Pero marami rin ang mahal dahil napakaaga pa at kakaunti pa ang namimili ng mga Christmas décor.

* * *

Napaka-gentleman naman ni Coco Martin na hilingin pa ang approval ni John Lloyd Cruz bago nila ginawa ang mainit na lovescene nila ni Shaina Magdayao sa Sa ‘yo Lamang. Respeto lamang daw para sa kapwa niya artista ang habol niya. Nakalimutan niyang trabaho lamang ‘yun at kung ang kapareha niya ay pumayag nang gawin ang eksena, bakit pa siya mag-aatubili.

Pero si Coco ‘yun at patakaran niya ‘yun kaya sino tayo para tumutol? After all, it made him comfortable na okay kay JLC ang nasabing eksena kaya huwag na nating lagyan ng isyu.

Makuntento na tayo sa pagiging isang maginoo ni Coco sa paghahangad na payag ang bf ng kapareha niya sa kanilang ginawang eksena na nagsilbing isa sa mga highlight ng pelikula ng Star Cinema.

* * *

Parang may pagka-Tootsie ‘yung Lady Dada series ni Ryan Agoncillo sa Kapatid network. Isa siyang ama na nag-disguise bilang isang babae para makalapit sa kanyang mag-ina. Ganun din daw ang tema ng kanyang role sa nasabing serye.

Isa nang classic film ang Tootsie ni Dustin Hoffman ngayon na kung saan maging ang sarili niyang pamilya ay hindi siguro makikilala si Hoffman sa ganda ng kanyang make-up.

Ganito rin kaya kaganda ang maging disguise ni Ryan? Sana naman dahil ngayon lang siguro papayag ang magaling na host na gumanap ng ganitong role kaya sana magawa nila itong maganda para maging worth the effort ni Ryan.

Show comments