Fans nina Marian at Dingdong sinusumpa si Bela

Tuloy ang guesting ko sa Asar Talo Pero Laging Panalo sa susunod na Linggo pero ibang artista na yata ang aasarin ko.

Nag-back out yata ang aktres na nakatoka na asarin ko dahil natakot siya na ibulgar ko ang mga nalalaman ko tungkol sa kanya. Afraid ang aktres na nag-worry na baka mapaiyak at mapahiya siya sa mga sasabihin ko. Ganoon ba ka-notorious ang image ko? Hindi no!

* * *

Nag-usap na kami ni Marian Rivera noong Martes at siyempre, ang mga sinabi ni Bela Padilla sa presscon nito ang aming topic.

Off-the record ang karamihan sa mga napag-usapan namin ni Marian pero natatandaan ko ang kanyang dialogue na kahit hindi niya ipagtanggol ang sarili, may mga magtatanggol sa kanya.

Nagdilang anghel si Marian dahil nang ma-publish kahapon ang mga interbyu kay Bela, dinagsa ng e-mail ang mga entertainment writer. Galing ang mga e-mail mula sa fans nina Marian at Dingdong Dantes na umaapela kay Bela na itigil ang panggagamit sa kanilang mga idolo.

Hindi lamang si Bela ang tinalakan ng fans. Pati si Bayani Agbayani, idinamay nila! Naiintindihan ko ang sentimyento ng fans nina Marian at Dingdong pero gusto kong linawin sa kanila na Bela at hindi Bella ang correct spelling ng name ng pamangkin ni Robin Padilla.

* * *

Tinatalakan din ng fans nina Marian at Dingdong si Ervic Vijandre ng Survivor Philippines.

Ginagamit daw ni Ervic si Marian para magkaroon siya ng career sa showbiz. In all fairness kay Ervic, hindi niya sinasagot ang mga tanong ng mga reporter tungkol sa nakaraan nila ni Marian. Maingat na maingat siya sa pagsagot dahil ayaw niya na maakusahan na manggagamit.

* * *

Nagkita kami ni Dingdong sa contract signing niya para sa Asia Yaosho, ang Filipino supermarket na sikat na sikat sa Japan.

Ginanap ang contract signing sa Annabel’s Restaurant noong Martes at ako ang surprise guest ni Mama Aster Amoyo.

Parang hindi naman apektado si Dingdong ng mga sinabi ni Bela sa presscon. As usual, cool na cool si Dingdong na halatang-halata na in love na in love kay Marian.

Matagal na si Dingdong sa showbiz kaya alam niya na hindi maiiwasan ang mga ganoong intriga tungkol sa relasyon nila ni Marian.

Pagkatapos ng contract signing, dumiretso si Dingdong sa pictorial niya para sa Asia Yaosho. Dahil endorser siya ng sikat na Filipino store sa Japan, malaki ang chance na pumunta si Dingdong sa Japan.

* * *

Tama ang duda ko na hahataw sa ratings ang pilot episode ng Survivor Philippines: Celebrity Showdown.

Pumalo sa 18.2 % ang ratings ng unang salang sa TV ng reality show ni Richard Gutierrez. Lahat ng mga nakakausap ko eh pare-pareho ang sinasabi, napakaganda ng pilot episode na ginastusan ng milyung-milyong piso ng GMA 7.

Nagdiriwang ang staff at crew ng Survivor Philippines dahil nabawi ng bonggang rating ang pagod, hirap at kalungkutan na naranasan nila sa matagal na pamamalagi sa isla ng Ranong, Thailand.

Excited ang production staff na magkaroon ng Season 5 ang kanilang show pero huwag muna sa lalong madaling-panahon. Gusto muna nilang i-enjoy ang magagandang bunga ng kanilang mga pagdurusa sa Thailand.

Show comments