MANILA, Philippines - Sapat na ang dalawang dahilan para panoorin ang independent film na Two Funerals — ang direktor na si Gil Portes at ang aktres na si Tessie Tomas.
Si Direk Gil ang best director sa kategoryang Director’s Showcase sa nakaraang Cinemalaya Independent Film Festival. Ito ang naging hudyat para sa direktor na hindi pa tapos ang showbiz career niya.
Sinang-ayunan at naniniwala rito ang Cinema Evaluation Board (CEB) kaya nabigyan ng Grade A ang black comedy na Two Funerals.
Nakakuha ng tiyempo ang direktor sa pagbuo ng obra niya noong Mahal na Araw at kasagsagan ng kampanya. Bumiyahe ang cast at mga artista sa North Luzon.
Ginagampanan ni Tessie ang isang inang nagdadalamhati na bumiyahe mula sa bayan niya sa Tuguegarao, Cagayan para kunin ang mga labi ng anak sa Matnog, Sorsogon.
Kasama niya sa dalawang araw na biyaheng Luzon ang kasintahan at pakakasal sana sa anak, ang ginagampanan ni Xian Lim. Si Jeffrey Quizon naman ang funeral parlor agent. Sa Matnog magkakagulo ang mga karakter na makakapagpatawa sa mga manonood ang ilang eksena, dahil doon, hindi uso ang mga nag-iiyakan sa patay.
Ang Two Funerals ay ipapalabas sa Sept. 6, 8 p.m., sa SM Megamall Cinema 6 at ipapalabas din sa ilang SM Digital Cinemas sa Sept. 8.
Bukod sa mga nabanggit na pangunahing aktor, kasama rin sina Robert Arevalo, Benjie Felipe, Mon Confiado, Leo Mier, John Apacible, Althea Vega, Bebong Osorio, at Princess Manzon.