Walang pakialam sa diet, Venus ang lakas lumamon!

MANILA, Philippines – Gutom na gutom si Venus Raj nang dumating siya sa studio ng Startalk noong Sabado. Nanggaling si Venus sa libing ni Melody Gersbach sa Angeles Pampanga at mula rito, dumiretso siya sa live guesting niya sa Startalk.

Hindi uso kay Venus ang diet ‘ha. Napangiti nga siya nang punahin ko ang kanyang malakas na pagkain. Hindi na ako nagtataka kung bakit siya ang nanalo sa spicyen wings eating contest na nilahukan ng mga kandidata sa Miss Universe pageant. Nakatulong ang pagiging Bicolana ni Venus dahil sa mahilig sa maaanghang na pagkain ang mga kababayan natin sa Bicol.

Napansin ko rin ang nagbago na aura ni Venus mula nang maging 4th runner-up siya sa international beauty pageant na kanyang sinalihan. Nadagdagan ang confidence niya at magandang-maganda siya sa aking paningin. Iba talaga ang nagagawa ng tagumpay!

* * *

Kung naranasan ni Senator Jinggoy Estrada na mahagisan ng passport ng immigration officer sa Hong Kong, iba naman ang experience ng isang kababayan natin na nagtatrabaho doon bilang domestic helper.

Ang sey ng Pinay na hindi na nagpabanggit ng pangalan, dinuraan siya ng isang Chinese habang namamalengke siya sa Hong Kong. Hindi gumanti ang Pinay. Inunawa na lang niya ang galit na nararamdaman ng nangdura sa kanya.

Mas nagagalit pa nga ang mga Pinoy sa Hong Kong sa palpak na rescue operation sa mga hostage victim na Chinese. Kung naging maayos daw ang negosasyon, hindi matitikman ng mga OFW sa Hong Kong ang galit ng mga Intsik.

* * *

May nakarating sa akin na kuwento na dalawang aktor ang nagkaimbyernahan sa birthday celebration ni Ogie Alcasid.

Very reliable ang aking source na updated sa mga showbiz news. Siya ang nagsabi sa akin na ipagtanong ko ang the truth and nothing but tungkol sa imbyernahan na nabalitaan niya.

Hindi ko pinagdudahan ang kuwento ng aking source dahil pinangalanan niya ang dalawang aktor. Hindi lang ako makapaniwala na mag-aaway ang mga aktor na sangkot sa insidente dahil wala sa kanilang mga image ang pagiging basagulero.

Walang lihim at kuwento sa showbiz na hindi nabubunyag. Tiyak na lalabas ang katotohanan sa mga darating na araw kaya maging vigilant tayo. Maging vigilant daw o!

* * *

Obvious na nakarating ako sa Ranong, Thailand dahil ipinakita noon sa Startalk ang exclusive interview ko kay Richard Gutierrez.

Maraming kuwento si Richard tungkol sa 42 days na pamamalagi niya sa isla. Ordinaryo nang nakakakita ng ahas sa isla si Richard at ang mga castaway ng Survivor Philippines. Ito ang dahilan kaya hindi nakitaan ng takot sina Yaya Moi, Solenn Heussaff at Aira Bermudez sa mga sawa na ginamit na props sa Keri Mo Teh segment ng Eat Bulaga noong Sabado.

Hindi exempted si Richard dahil may ahas na nakita sa labas ng kuwarto na tinuluyan niya sa isla. Nagkalat din ang mga cobra sa island kaya lumilipat ng ibang lugar ang grupo kapag may nakikita silang mga cobra.

O siya, panoorin ninyo mamayang gabi ang simula ng Survivor Philippines para maka-relate kayo sa mga kuwento ni Richard. Kinakabahan daw ang mga kasabay na programa ng Survivor Philippines dahil alam nila na marami ang nag-aabang sa reality show ng GMA 7.

Show comments