Hindi bakla ang role ni Ryan Agoncillo sa pinaka-bagong comedy series ng TV5 na magsisimulang mapanood sa Sept. 6, 8-9 p.m, ang Lady Dada. Nagbihis babae siya sa payo ng isang kaibigan (Keempee de Leon) para lamang mapalapit sa kanyang asawa’t anak matapos siyang pagbawalan na lumapit sa kanila after na manggulo siya sa bar na pag-aari ng kanyang asawa (Mylene Dizon) at ng dating manliligaw nito (Ryan Eigenmann).
Ang hindi niya inaasahan ay liligawan siya ng kapatid ng kanyang asawa (Roderick Paulate) sa pag-aakalang isa siyang babae. “Ang ganda-ganda ko rito. I never imagined myself dressed in a woman’s clothing before. This one’s for the books, seriously,” sabi ni Ryan.
Pinuntahan pa siya sa simula pa lang ng taping sa set ng kanyang asawang si Judy Ann Santos kasama ang panganay nilang si Yohan para okeyan ang kanyang costume. Na-shock si Juday pero si Yohan ay natawa lamang.
“Wala akong ginagaya sa pag-portray ko ng role ko bilang Lady Dada na ang meaning ay lady daddy. Sinusunod ko lang ang mga instructions ni Direk Joyce Bernal. First time ko itong mag-make up. Inisip ko na lang kung ano ba ang gagawin ko bilang ama, hanggang saan ko ipu-push ang sarili ko? Mas nahihiya pa nga akong mag-action kesa mag-babae. Huwag lang akong mag-bold,” pabirong sabi pa ng part-time actor at full-time host na ang seryeng Lady Dada ay eere lamang ng limang linggo.
When asked kung bakit parang napakaikli nito, kumpara sa maraming serye na napapanood sa telebisyon, sinabi ni Ryan na talagang sakto lamang sa itinakdang panahon ang istorya ng Lady Dada. Lalaglag na ito kapag naging 13 weeks.
Para sa kanyang disguise, pumayag si Ryan na magsuot ng high heels, mag-wax, mag-make up. Minsan ay itinali pa ang kanyang ari.
“Pero hindi ko nagustuhan. May paraan pa para maitago ito pero hindi ’yung taliin ito dahil feeling ko, parang naglalakad ako ng patalikod. Anim na oras akong hindi komportable,” pagtatapat niya.
Kung gagawing pelikula ang Lady Dada, sinabi niyang papayag siyang gampanan muli ito kung si Bb. Joyce ulit ang magdidirek.
* * *
Magandang senyales ’yung pamamayani sa takilya ng mga pelikulang In Your Eyes nina Richard Gutierrez, Claudine Barretto, at Ann Curtis at Mamarazzi ni Eugene Domingo. Nakaka-P70M na ang pinagsosyohang pelikula ng Viva Films at GMA Films at P5.5.M naman ang kinita ng solo movie ni Uge sa opening day.
* * *
Kaabang-abang ang Showbiz Central ngayong hapon dahil guest si Miss Universe 4th runner-up Venus Raj pero kung inaakala n’yong mauulit lamang ’yung mga pinag-usapan sa ilan niyang interview sa TV, puwes, iba ang itatampok ng Sunday talk show — ang mga sikreto niya tungkol sa ginawa niyang pagsali sa Miss U.
Si Richard Gutierrez naman ay ikukumpisal kung sino ang talagang itinitibok ng kanyang puso.
Pero ang talagang aabangan ay si James Yap, kung hanggang saan ang makakaya niyang isakripisyo para sa kanyang anak. I-tackle kaya ang sinasabing pakikihati niya sa trust fund ni Baby James? ’Yun ang malaking katanungan.