MANILA, Philippines - Mabilis na nagpasalamat ang Malacañang Palace sa Hong Kong superstar na si Jackie Chan sa mga inilibas nitong mensahe na ipinadaan sa Twitter kahapon, Aug. 25.
Sinabi ng comedy-action superstar sa kanyang mga tweets na naiintindihan niya ang kasalukuyang suliranin ng sambayanang Pilipino, partikular na ang kapulisan, matapos ang madamdaming tagpo ng hostage crisis noong Lunes na kumitil sa buhay ng walong tao na pawang mga kababayan ni Jackie.
“Thank you, Mr. Jackie Chan. We hope that our friends in Hong Kong would also extend their hand of friendship to us,” saad ng presidential spokesperson na si Edwin Lacierda.
“Inaasahan naming magpapatuloy ang pagkakaibigan natin at ng mga taga-Hong Kong sa kabila ng masaklap na nangyaring ito. Nagdadalamhati tayo sa pangyayaring ito at ginagawa na natin ang mga kaukulang hakbang. Salamat kay G. Jackie Chan sa kanyang magandang kalooban at umaasa tayong mauunawaan din ng mga mama-mayan ng Hong Kong ang kalagayang ito,” wika pa ni Lacierda.
Hindi iisang beses nag-tweet ang HK Chinese actor kundi serye ng mga makahulugang mensahe na kahit paano ay nakatulong na mabawasan ang tensiyon sa dalawang bansang sangkot, tatlong araw pagkatapos magwakas ang trahedya sa pangho-hostage sa sinakyang bus lulan ang mga turistang mula Hong Kong.
“If they killed the guy sooner, they will say, why not negotiate first? If they negotiate first, they ask why not kill the guy sooner? So sad,” ang isa sa mga nai-tweet ni Jackie.
Nakapagsabi pa ang aktor na “This kind of thing always happens around the world. It happened to HK’s people, the whole HK is talking about it.”
Ang dapat gawin na lang nga mga tao, aniya pa, ay magmahalan na lang.
“We already have so many natural disasters... typhoon, tsunami, everything. Humans should be united and not kill or hate each other,” ang emosyonal niya pang tweet.