Para kay Melody, Venus umaasa ng panalo

MANILA, Philippines - Ngayong araw na ang pinakahihintay na 2010 Miss Universe pageant.

Mas mataas ang expectation ng lahat dahil sa balitang malakas na malakas ang laban ng pambato ng bansa na si Venus Raj.

Balitang pasok na ito sa Top 15 na pinili na ng mga hurado noong isang araw pa ayon sa usap-usapan.

Mas lalo raw talaga kasing tumindi ang laban ng pambato ng Pilipinas dahil bukod sa pagharap sa hamon ng pagkatawan ng Pilipinas sa Miss Universe ay kinakailangan niya ring harapin ang biglaang pagkawala ng matalik na kaibigang at Bb. Pilipinas International 2009 Melody Gersbach.

Nagre-rehearse si Venus para sa inaabangang pageant night nang sabihin sa kanya ang nakakalungkot na balita - na pumanaw na ang Fil-German beauty queen dahil sa isang aksidente.

“Isa siya sa talagang nag-push sa akin na sumali sa Binibining Pilipinas,” sabi ng isang maluha-luhang Venus sa panayam sa kanya ni Dyan Castillejo sa Las Vegas na ipinalabas sa TV Patrol.

Bagama’t nalulungkot sa pagpanaw ng kapwa Bicolana na tinuturing niyang mentor, ginagawa ni Venus ang lahat para maging focused sa kanyang laban at mas lalo pa siyang naging determinado na mauwi ang tagumpay para sa kaibigan.

“I’m sure gusto ni Melody na ituloy ko ito kaya gusto kong idedicate itong Miss Universe para sa kanya,” dagdag pa niya.

Simula nang lumapag si Venus sa Las Vegas ay sinundan na ng lahat ang kanyang galaw sa mga ulat ni Dyan sa TV Patrol, Bandila, Umagang Kay Ganda, The World Tonight at News Central at maging live updates sa kanyang Twitter account.

Ngayong araw na magaganap ang pinakahihintay na coronation night, na pangungunahan ng hosts na sina Bret Michaels at Natalie Morales, sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas.

Kabilang sa mga huradong dapat ma-impress ni Venus sina Chazz Palminteri, Chynna Phillips, Criss Angel, Evan Lysacek, Jane Seymour, Niki Taylor, Sheila E, Tamron Hall, William Baldwin, Basim Shami, BJ Coleman, Carlos Bremer, Corinne Nicolas, Louis Burgdorf, Natalie Rotman, at Sadoux Kim.

Magtagumpay kaya si Venus at hiranging pinakamagandang babae sa buong mundo?

Mapapanood ang Miss Universe 2010 ngayong Martes (Aug 24), 9:30 a.m. sa ABS-CBN. Meron din silang primetime telecast sa Studio 23, 9:30 p.m., at sa Velvet sa ganap na 6:30 p.m. at 10:00 p.m. 

Show comments