Aminado naman ako na nasa landas ng pagsikat ngayon ang kasamahan ko sa radio at TV na si Shalala. At natutuwa ako sa nagiging takbo ng kanyang career, sa maniwala kayo’t sa hindi. Kung nakapagsasalita man ako sa radyo ng hindi maganda tungkol sa kanya, ito naman ay dahil pagkakataon na napapabayaan niya ang mga trabaho niya sa akin dahil sa kanyang kaabalahan sa kabilang network, hindi ang ABS- CBN kundi ang TV5.
Pero nung una lang ito, ngayon na-realize ko na hindi ko siya mapapangunahan, sa kabila nang siya’y kumikita ng malaki at sa akin ay barya-barya lang naman kaya hinahayaan ko na siya. At wala akong sama ng loob, tanggap ko na ang ganitong kalakaran.Hindi naman ako tumanda sa showbiz ng walang pinagkatandaan. Kung saan niya inaakalang uunlad siya, eh dun siya.
Hindi ako tipong magwi-wish ng hindi maganda sa kanya. Sa halip, dasal ko na magtagal siya pero sa pag-akyat niya sa tagumpay, lumingon naman siya paminsan-minsan. Ito ang susi ng tagumpay, ang pagiging mapagpakumbaba sa gitna ng tagumpay.
* * *
Natutuwa ako sa atensiyon na nakukuha ni Venus Raj sa Miss Universe pageant. Sana nga, makuha niya ang title dahil matagal na rin tayong hindi nakakapag-uwi ng major beauty title.
Baka ngayon na ang panahon. But let’s not put all our eggs in one basket. Baka kapag natalo siya, at sa atin ang salitang talo ay talo kahit pa maging runner-up siya, ay magbago at mag-iba ang pagtanggap natin sa binibini.
Let’s just be grateful na naging matunog siya sa pageant at dinala niya ng maganda ang ating bansa.
Hindi mapapantayang promosyon na ’yun para sa Pilipinas. Kaya manalo o matalo ka man, mabuhay ka Venus, isa kang mahusay na kinatawan ng bansa!
* * *
Kasuwerte naman talaga nitong si Ryan Agoncillo. Aba eh lalaki ang ipinagbubuntis ni Judy Ann Santos. May junior na siya, kumpleto na ang buhay niya!
Kaya naman saan mo man siya makita ngayon, hanggang tenga ang ngiti niya at hindi mawala-wala. Maski sa taping ng drama special niya sa TV5.
Kahit na buntis na buntis ang misis na si Juday ay nagagawa pa rin nitong magdala ng food sa set na appreciated ng lahat.
Balita ko, mag-aaral pa ng pagluluto si Juday sa abroad pagkapanganak niya.
Aba eh talagang patatabain niya si mister o kung hindi man baka talagang mag-full time chef na siya at mangasiwa na lamang ng sarili nilang restaurant in the future.