Hindi na pala si Kristine Hermosa ang lalabas na Faye sa bagong pelikula ni Vic Sotto na may kinalaman din ang istorya sa Okey Ka Fairy Ko. Hindi nga naman magandang tingnan kung girlfriend ng kanyang anak ang gaganap ng role ng asawa niya kahit sa pelikula lamang. Kaya isang baguhan ang ipinalit ni Bossing Vic.
Siya si Gwen Zamora, isang bagong Kapuso, 19 years old, isinilang at laking Australia at bago ring endorser ng Belo group.
Sana nga ay maging epektibo siyang Faye dahil lahat nang gumanap dito ay hindi napag-iwanan ng role ni Enteng. Katunayan, pumapantay ito sa kasikatan ng bida. Tulad nina Tweety de Leon sa TV at sina Alice Dixson at Kristine sa pelikula. Marami rin ang umaasang magagawa siyang big star ng Kapuso channel.
* * *
Meron ding inaalagaang loveteam ang GMA 7 na kung papalarin ay baka maging totoong tambalan din sa tunay na buhay. Ito ay sina Enzo Pineda at Sarah Lahbati.
Una silang nagkalapit nang magkasabay na sumali sa StarStruck at bagama’t si Sarah ang naging big winner kasama si Steven Silva, marami silang proyekto na pinagsasamahan na naging dahilan kung bakit sila mas lalo pang nagkalapit. Positibo na mapapaibig ni Enzo si Sarah. Pati kasi mga magulang ng dalaga ay boto sa kanya.
Sana nga maging kayo at sana hinay-hinay lang para ’di kayo matulad sa iba n’yong kasamahan tulad nina LJ Reyes at Janna Roxas na maagang pinasok ang mundo ng responsibilidad. Aba, mahirap yata maging nanay at artista ka pa!
* * *
Ang dami-daming artista na nagkakasakit, paano kasi kung magtrabaho ay parang wala ng bukas, nagmamadaling sumikat agad o kundi man ay para makaipon ng marami! Nakakalimutan yata na kahit mga bata pa sila ay bumibigay din ang katawan nila sa pagod. Nami-miss din nilang ma-enjoy pa ang kanilang kabataan.
Maiintindihan ko ito kung bread winner sila at maraming sinusuportahan. Pero anuman ang dahilan nila para kumayod ng husto, dapat hindi nila pabayaan ang mga katawan nila. Ito ang puhunan nila at kapag inabuso, baka hindi na sila makapag-artista pa.
Si Mark Herras, marami nang bawal. At kung susundin niya, hahaba pa ang buhay niya. Ganundin si Aljur Abrenica. Hinay-hinay lang mga bagets. You’ve made your mark, kailangan lang na i-maintain n’yo ito. Huwag nang maglagare.