Magsisimula na palang mag-shooting si Regine Velasquez ng indie movie niyang Mrs. Recto to be directed by Dante Garcia. Kung matutuloy, sa Sept. 6 na ang first day shooting ng movie, pero March next year ang theatrical release.
Natatandaan naming sinabi ni Regine after i-announce ni Ogie Alcasid ang before the year ends nilang kasal na itotodo na niya ang trabaho niya this year para next year, magpapahinga na siya. Willing siyang i-give up ang career, pero alam niyang hindi papayag si Ogie na pati ang pagkanta ay talikuran niya.
Wala pang gaanong detalye sa Mrs. Recto, pero kasama sa cast si Elmo Magalona, kung ano’ng role, hindi pa kami sinasagot ni Direk Dante na na-interview namin sa Twitter.
Samantala, ano na kaya ang nangyari sa Of All the Things movie nina Regine at Aga Muhlach sa Viva Films? Sayang kung hindi na matutuloy dahil ilang shooting days na lang ang natitira at tapos na ito.
Sino ba talaga ang busy kina Regine, Aga at Bb. Joyce Bernal at hindi matapus-tapos ang movie? Pero si Aga ay nagsu-shooting na ng movie nila ni Angel Locsin at may TV show pa!
* * *
Nagulat naman kami sa balitang kasal na ang showbiz couple na ang alam ng press ay nasa early months pa lang ang relasyon. Sabi kasi ng aktres ay nanliligaw pa lang sa kanya ang aktor at ayon naman sa lalaki, kinikilala pa lang nila ang isa’t isa nang bonggang-bongga!
Kung totoong kasal na ang dalawa, may rason kung bakit nakikialam na ang aktres sa career ng aktor at kung bakit hindi na siya magawang iwan nito kahit naniniwala ang mga close sa aktor na hindi nakatutulong sa career niya ang relasyon niya sa aktres dahil may mga project siyang hindi natutuloy.
Sabagay, ginawa na rin ng aktor dati ang biglang pagpapakasal sa isa niyang leading lady at nalaman na lang ng press, kasal na sila. Hindi lang nagtagal ang relasyon ng dalawa at huli na rin nang malaman ng press na annulled na ang kasal nila.
* * *
Nakausap namin si Veronique del Rosario-Corpus sa presscon ni Anne Curtis para sa in Your Eyes at nabanggit na ang Petrang Kabayo ang next movie ng Viva Films na ipalalabas at sa September na ito. Si Vice Ganda ang bida sa remake ng movie na unang pinagbidahan ni Roderick Paulate at love interest nito si Luis Manzano.
Nabanggit din ni Ms. Veronique na dapat may regular soap si Mark Bautista sa GMA 7 pero dahil umalis ito at nag-guest sa US tour ni Sarah Geronimo, hindi natuloy ang pagpasok sa soap. Hindi lang sure si Ms. Veronique kung sa Trudis Liit o sa Pilyang Kerubin dapat kasama si Mark. Na-assure naman siya ng GMA 7 na sa susunod na soap ay kasama na si Mark.
Kinumusta namin kay Veronique ang tsikang matutuloy na ang movie nina Claudine Barretto at Mark Anthony Fernandez, isa ito sa naka-line up ng Viva Films at nanguna sa survey nila kung aling project ang gustong mapanood ng mga moviegoers.
* * *
Sa Trudis Liit, palalabasin ni Lolly (Gina Alajar) na siya ang nagtanggol kay Trudis at ipinahuli sa pulis si Bogart (Robert Ortega). Hindi papayag si Bogart sa balak ni Nando (Yul Servo) na sumuko na at tatakutin pa.