MANILA, Philippines - ABS-CBN pa rin ang pinakakapani-paniwalang TV network pagdating sa paghahatid ng balanse at tamang balita base sa isinagawang survey ng Pulse Asia kamakailan.
Mula Pebrero hanggang Hulyo ng taong ito, 72% ng mga Pilipino ang mas naniniwala sa ABS-CBN. Mas mataas ito kumpara sa 63% na naniniwala sa GMA 7 at 32% na naniniwala naman sa TV5.
Ayon sa Pulse Asia, malaki ang naitulong ng mga programa ng ABS-CBN tulad ng Harapan at iba pang mga debate kaugnay sa halalan pati na rin ng kampanyang Boto Mo, iPatrol Mo: Ako ang Simula na siyang nagmulat sa publiko sa mga isyu at sa kanilang kapangyarihang tugunan ang kanilang mga problema kung kaya’t mas pinanigan sila ng sambayanan.
“Hindi sila pupunta sa ABS-CBN kung hindi ito credible o mapagkakatiwalaan. Nadadama nila na sila ay empowered bilang mamamayan kaya sila ay nagte-text at nagpapala rito ng kanilang mga report,” sabi ni Pulse Asia Chief Dr. Ana Maria Tabunda sa panayam ng TV Patrol.
Wagi rin sa kakatapos lamang na SONA o state of the nation address ni Pangulong Benigno Aquino III ang Kapamilya network para sa coverage nitong pinamagatang Boses ng Bayan: Unang SONA ni Pangulong Aquino na nagtamo ng national rating na 18.7% laban sa Sona 2010 ng GMA 7 na may 15.6%.
Kinilala naman kamakailan ng Comguild Center for Journalism Awards si Ted Failon bilang Most Outstanding Male News Presenter; Karen Davila bilang Most Outstanding Female Presenter; Anthony Taberna bilang Best Male Field Reporter of the Year; at Ina Reformina bilang Best Female Field Reporter of the Year.