MANILA, Philippines - ‘Ang ABS-CBN ang naagrabyado dito kaya ito ang may karapatan na magdesisyon kung itutuloy ang kontrata o hindi’
Napakinggan ng ABS-CBN ang mga naging pahayag ni Willie Revillame sa kanyang press conference na ipinatawag ngayong araw (kahapon).
Si Willie ay may pinirmahang kontrata hanggang September 2011. Nilabag ni Willie ang behavioral provisions ng naturang kontrata nang binantaan nito ang pamunuan ng ABS-CBN sa episode ng Wowowee noong Mayo 4, 2010 at sinabing siya ay magbibitiw sa trabaho kapag hindi tinanggal ng pamunuan ang isa pang TV/radio personality ng network.
Ang kanyang banta ay nagpakita ng kawalan ng respeto at pagiging arogante. Ang ipinakita niyang hindi magandang asal ay hindi katanggap-tanggap sa mga Pilipino.
Dahil si Willie ang lumabag sa kontrata, hindi sa kanya ang desisyon na mapawalang bisa ito. Sinumang lumabag sa kasunduan ay hindi maaring magdikta kung ito ay itutuloy o tatapusin. Ang kontrata ay isang kasunduan na dapat bigyan ng kaukulang respeto. Ano pa ang magiging halaga ng mga kontrata kung ito ay maaring tapusin anumang oras naisin.
Ang ABS-CBN ang naagrabyado dito kaya ito ang may karapatan na magdesisyon kung itutuloy ang kontrata o hindi.
Sa kabila ng lahat ng mga nangyari, desisyon ng ABS-CBN na ituloy ang kontrata. Naniniwala ito na dapat pa rin gampanan ni Willie ang mga obligasyong nakasaad sa kontrata na magtatapos pa sa September 2011.
Ito ang kumpletong official statement ng ABS-CBN matapos magpahayag kahapon si Revillame na gusto na niyang lumayas sa poder ng Kapamilya kahit meron pa itong kontrata.
Sa sulat kay ABS-CBN chairman Eugenio Lopez III noong Aug. 9, na may kopyang ipinamahagi sa media, ipinahayag ni Revillame na gusto na niyang kumalas sa Dos kahit sa September 2011 pa nakatakdang magtapos ang kontrata niya dahil hindi na raw patas ang trato ng network sa kanya.
Tinanggihan ni Revillame ang plano ng istasyon na bigyan siya ng isang weekly pre-recorded TV program sa Channel 2 at isa pang palabas sa sister company nitong Studio 23.