Piolo 'di kilala pag nagba-bike
Kung alam lang ng mga taga-Subic na sa pagitan ng kanyang taping ng Noah sa Subic ay idinaraos ni Piolo Pascual ang kanyang hilig sa pagba-bike ay baka hindi na sila umuwi at abangan na lamang ang pagdaan ng aktor na sakay ng kanyang bisikleta. Ang kaso nga ay wala silang alam sa ginagawang pagbibisikleta ng aktor dun kaya sa taping na lang nila ito pinanonood. At dahil nga mahigpit sa Subic kung kaya madalas taga-loob lang ang nakakapanood ng taping. At kahit excited sila na makita ang aktor, quiet lang sila sa pagmamasid.
Nakatutulong ng malaki sa Noah ang pagkahilig ni Piolo sa sports. Kayang-kaya na niya ang mga mahihirap na eksenang pisikal na kinakailangan para sa kanyang role na isang pulis na naghahanap ng kanyang nawawalang anak.
Bukod sa kanyang pagbibisikleta, regular din ang ginagawang pagtakbo ni Piolo. Ito ay bilang paghahanda sa isang athletic competition na sasalihan niya sa CamSur. Balak niyang sumali sa triathlon, relay, at running. Kapag walang taping ay regular siyang pumupunta ng gym para rin mailagay sa kondisyon ang kanyang pangangatawan.
Sa kabila ng kanyang kaabalahan, patuloy ang pagdating sa kanya ng mga product endorsement. Kalulunsad pa lamang niya bilang endorser ng isang insurance firm pero heto siyang muli para sa isang instant noodle, ang Quickchow instant mami na gawa ng Zesto at tatlong dekada nang kilala sa paggawa ng mga juice drinks pero sa nakalipas na 20 taon ay nag-branch out na sa ibang food categories.
When asked kung binibigyan niya nito si KC Concepcion, sinabi niyang inaalok niya pero walang pagkakataon na kumain ito dahil sumasaglit lang ito sa taping niya at hindi dahil sa may ibang brand ng noodle na ini-endorse ang nanay nitong si megastar Sharon Cuneta.
* * *
Ang ganda naman ng pelikulang Ip Man 2 ng Solar Entertainment Corp. na ipalalabas simula sa Agosto 18. Maganda rin naman ang unang pagsasapelikula nito na napanood ko kaya lang Chinese ang dialogue na nilagyan lang ng English subtitle kaya hindi ko masyadong na-enjoy dahil nakatingin nga ako sa big screen pero naubos ang konsentrasyon ko sa pagbabasa ng subtitle.
Ang Ip Man 2 ay walang ganitong problema, walang subtitle na aagaw ng pansin sa panonood dahil naka-dub ito sa English at sa ganda ng pagkaka-dub aakalain mo na ‘yung mga artista ang mismo nagsasalita.
Kung hindi n’yo pa alam si Ip Man ay isang Kung Fu Master na matagumpay na tumulong para ipagtanggol ang mga kapwa niya Tsino sa mga Hapones sa pamamagitan ng kaalaman niya sa Wushu nung panahon ng digmaan sa pagitan ng mga Intsik at Hapones.
Maganda ang movie, may puso, may mga eksenang makabagbag damdamin at makikisimpatiya ka sa marubdob na pagnanasa ni Ip Man na makuha ang respeto ng lahat para sa mga kapwa niya Tsino, lalo na sa mahirap na katulad niya.
Bagay sa kanyang role bilang Ip Man at kung fu master si Donnie Yen, mas seryosong artista kina Bruce Lee, Jet Li at nung una siyang mag-artista, kay Jackie Chan. Magaling na fight choreographer si Sammo Hung na malaki na ang ipinayat kesa sa Sammo Hung na napapanood ko noon.
Magandang pumili ng mga pelikulang ipamamahagi niya locally si Wilson Tieng ng Solar Films. Laging meron siyang mata kung anong pelikula ang magugustuhan ng manonood. Kaya naman matagumpay ang negosyo niyang film distribution. Biruin mo, mula sa isang maliit na opisina sa Avenida, nasa isang mataas na gusali na sa Makati na may pangalang Solar Century Tower ang Solar Entertainment Corp. at ang iba pang kumpanya ni Wilson Tieng at pag-aari na niya. Napapalibutan ito ng salamin at may sariling parking area sa tabi ng may 15 palapag na gusali.
* * *
Kailangang kabahan si Melai Cantiveros dahil siya ang featured star ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya. Kung binigyan siya ng pagkakataon ng ABS-CBN dahil naniniwala sila na kaya niya kaya kailangan niyang mag-effort. Kung hindi, baka ang episode niya ang lumabas na pinaka-walang kuwenta, walang kuwento at walang akting sa kasaysayan ng MMK.
So far the GenSan girl and PBB’s grand winner has not disappointed her big bosses at the network. Kumakanta na siya, nagsasayaw, nagho-host, nagko-komedi at ngayon nga susubukan naman siya sa drama.
Abangan ngayong gabi sa MMK sa direksiyon ni Nick Olanka kasama sina Ketchup Eusebio, Ryan Eigenman, at Candy Pangilinan.
- Latest