Napakasaya ng ginanap na presscon ng Mamarazzi, ang pang- 50th anniversary presentation ng Regal Films na sinimulan ni Mother Lily (Monteverde) pero ngayon ay ipinamamahala na niya sa kanyang anak na si Roselle Monteverde-Teo. Pero hindi ibig sabihin ay hindi na siya pumapapel sa kumpanya, ginagabayan pa rin niya ang kanyang anak at hangga’t makakaya niya, hindi niya iiwan ang Regal Films na nagbigay ng maraming magaganda at hindi malilimutang pelikula.
Sa Regal din nanggaling at sumikat ang maraming artista na pinakikinabangan ngayon sa industriya ng pelikula at telebisyon. Sila ang mga tinatawag na Regal Babies.
Tampok sa Mamarazzi ang komedyanteng si Eugene Domingo na parang muling inilulunsad sa pagkabituin bagama’t nauna na siyang nagkaroon ng launching sa isang pelikula na prinodyus ng grupo ni Piolo Pascual, ang Kimmy Dora. Naging matagumpay ito hindi lamang sa box-office kundi maging sa awards.
Kung ang Kimmy Dora ay kuwento ng kambal na may magkaibang personalidad, ang Mamarazzi ay tungkol sa isang babae (Eugene) na gustung-gustong magkaanak pero walang asawa. Kaya pumayag ang kanyang best friend (John Lapus) na maging sperm donor ang boyfriend niya (Diether Ocampo). Triplets ang naging anak niya, dalawang babae (Andi Eigenmann sa isang dual role) at isang lalaki (AJ Perez). Kasama rin sa movie na dinidirek ni Joel Lamangan si Carla Abellana.
“Masaya ang movie, binigyan ako ni Joel ng freedom para ma-interpret ang role ko. Pinapag-isip niya ako pero hindi ako nagtanong. Basta ibinigay ko sa kanya ang lahat ng tiwala ko.
“Nagpapasalamat ako na napili ako ng Regal para sa movie. Matagal na akong inaalok ni Mother Lily na gumawa ng pelikula para sa kanya, bago pa ang Kimmy Dora pero ngayon lang ito nagkaroon ng katuparan. There is really a right time for everything,” ani Uge na palagi na lamang naninibasib ng halik sa kanyang mga kapareha. Ginawa niya ito kay Dingdong Dantes sa Kimmy Dora at kay Tom Rodriguez sa Here Comes the Bride. Ngayon ginawa na naman niya ito sa Mamarazzi, kay Diether Ocampo.
Sabi naman ni Diether, “Wala ito sa script, nagulat na lang ako nang bigla ‘yun gawin ni Eugene, at ayaw niya akong bitawan kaya I just went with the flow, nagpaubaya na lang ako. Wala naman akong naramdamang something foul at pareho naman kaming hindi bumibitaw. Watch out for another similar scene na kinunan bilang last sequence ng film dahil siya naman ang ginulat ko. Hindi rin kasi inaasahan ni Uge ‘yung ginawa ko pero nakipaglaro na rin siya sa akin.”
* * *
Wala namang reklamo si John Lapus sa magandang takbo ng kanyang career. Marami siyang projects sa GMA7 at hindi rin naman siya nawawalan ng pelikula. After that much successful Here Comes the Bride na kung saan ay magkasama sila ni Uge, eto na naman sila sa Mamarazzi.
Marami nang projects silang pinagsamahan ni Uge. Maganda ang chemistry nilang dalawa. Kitang-kita mo na komportable silang magkasama, kaya bawat eksena na magkasama sila ay talaga namang makalaglag silya.
Pero nangangarap din ng solo project niya si Sweet (John). At masaya siya dahil pinangakuan siya ni Mother Lily na siya naman ang susunod na bibigyan ng launching film. Gusto niyang si Diether ang makapareha niya at gusto rin niyang magkaroon sila ng kissing scene. Aprub din sa kanya sina Jake Cuenca at Coco Martin.
Sinabi ni Sweet na siya ang nagrekomenda kay Diether para makasama nila sa Mamarazzi. Wala silang inisip na iba pang aktor para lumabas sa role ng sperm donor ni Uge at boyfriend niya sa movie.
Syempre mawawala ba si Uge sa kanyang launching?
“Kung iba nga nasusuportahan ko, siya pa kayang isang kaibigan ang hindi? Si Vice Ganda pareho naming sinusuportahan sa Petrang Kabayo,” imporma ni Uge.
* * *
Yes, Gerald Anderson and Kim Chiu are still a couple. Tama ang sabi ni Kris na okay na sila. Isang bouquet of flowers ang magkasama nilang ipinadala kay Boy Abunda bilang pasasalamat sa isang write up na ginawa nito sa aming sister publication tungkol sa kanila.