Nicole Hyala, may bagong lutong jingle

MANILA, Philippines - Mula sa pagiging single at ngayon sa buhay may-asawa, ine-enjoy ng bagong kasal na radio host at singer Nicole Hyala ang kanyang bagong papel bilang isang maybahay. At ano pa nga bang mas magandang gawain ng isang mabu­ting may­bahay, ani Nicole, ang magluto para sa kanyang pamilya?

“May kasabihan nga, sa tiyan ang pinakamabilis na daan patungo sa puso ng isang lalaki, kaya lalo kong pinag-iigi ang pagluluto para sa aking asawa,” sabi ng 90.7 Love Radio DJ.

At maaaring makapulot ng dagdag na inspirasyon si Nicole sa kanyang pinakabagong kanta. Kasunod ng kanyang hit single na Mahal Kita Kasi, ay ang kanyang kauna-unahang branded jingle, ang Hapi-Hapi para sa Hapi Fiesta Palm Oil.

Kasabay nang paggawa ng kantang Hapi-Hapi ay ang music video nito na maaari ring mapanood sa YouTube. Tulad ng jingle, ipinapakita rin sa video ang mga bonding moments ng bawat pamilyang Pilipino tuwing may Krispritong ulam sa hapag-kainan.

Mula nang ikasal siya kay Renly ay excited na si Nicole na ipagprito ito ng kanyang mga paboritong ulam. “Mas gusto ko ang pag­pi­prito kasi mas nada­da­lian ako, at siyempre masarap din ang resulta. Mahilig kami ni Renly sa pork chop at lalo na sa fried chicken. Sana nga, kung gaano ako kagaling sa pagiging DJ ay maging ganoon din ako kagaling sa pagluluto,” natatawang sinabi ni Nicole.

Noong simula pa lang niyang nire-record ang Mahal Kita Kasi, walang malay si Nicole na ang kanta ay magiging ganoon ka-sikat. “Naisip ko lang noon na cute yung kanta at madali siyang maaalala ng mga tao. Kaya nagulat talaga ako na naging sobrang malaking hit siya sa buong bansa,” banggit ni Nicole.

“Looking back, nagpapasalamat talaga ako kasi yun ang nagbukas ng pinto sa marami pang opportunity, tulad nitong Hapi Fiesta Palm Oil jingle. Kasi mala­king tulong din kung kilala kang singer. Kung sikat na DJ lang ako, hindi sigu­ro ako mapipiling ku­man­ta nito. Pero pagdating sa pansarili kong buhay, wala namang nagbago. Masaya lang ako at nagpa­pasalamat sa mga natanggap kong blessings,” sabi ni Nicole.

Si Nicole ay nagtapos ng Business Management sa Assumption College, cum laude. Ngunit matapos ang ilang taon, nakatagpo siya ng naiibang career at ‘yun nga ay bilang isang radio DJ.

Hindi maitatangging ang nakakatawa at naka­ka­aliw nilang tambalan ni Chris Tsuper ang da­hilan ng kanilang tagumpay. At ito ay bunga ng kanilang ka­kaibang pakikitungo sa mga taga-pakinig.

Show comments