Malakas ang buhos ng ulan sa advance 7th birthday party ni Lorin Gabriella Gutierrez Bektas (panganay sa dalawang anak ng estranged couple na sina Ruffa Gutierrez at Yilmaz Bektas) na ginanap sa Wack Wack Golf and Country Club nung nakaraang linggo (July 25) ng hapon pero hindi napigilan ng ulan ang pagdagsa ng mga bisita na malalapit kay Ruffa at sa pamilya Gutierrez.
Marami ang nag-abang sa pagdating ng bagong guy na nali-link ngayon kay Ruffa, ang big boss ng Smartmatic na si G. Cesar Flores pero hanggang sa kami ay umalis ay hindi namin ito nasilayan dahil out of the country umano pero namataan namin doon ang isa ring goodlooking guy (but already married), si Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal na kahuntahan ng dad ni Ruffa na si Eddie Gutierrez.
Dumating din sa nasabing okasyon si Gov. Chavit Singson, ama ng controversial congressman ng Ilocos Sur na si Rep. Ronald Singson (na nakakulong ngayon sa Hong Kong dahil sa droga) na agad kinuyog ng media.
Karay-karay naman ni Vina Morales ang kanyang baby, ganundin ang ibang celebrity parents tulad ng mag-asawang Julius and Tintin Babao na kasama sina Antonia at Antonio, si Donita Rose na kasama ang anak na lalaki, ang buntis sa kanilang third child na si Carla Guevarra and husband, Bubbles Paraiso na kasama ang pamangkin (anak nina Mylene Dizon at Paolo Paraiso), ang mag-asawang Tonton Gutierrez at Glydel Mercado and their daughter, dumating din ang malusog (literally and figuratively) na si Sharmaine Arnaiz with husband and three kids kasama ang lovechild nina Bunny Paras at Mo Twister na si Moira (11).
Naroon din ang misis ni Sen. Miguel Zubiri na si Audrey with their two kids na sina Adriana at Juanmi (Juan Miguel II), Atty. Annette Gozon-Abrogar, Almira Muhlach at ang 14-year old daughter nila ni Bong Alvarez na si Alyzza, Liezl Martinez and their two daughters ng husband niyang si Albert Martinez, J.C. de Vera, Ehra Madrigal, Tuesday Vargas, Ynna Asistio kasama ang kanyang mga young siblings, Carla Humphries, Phoemela Barranda, Tim Yap at marami pang iba.
Nasa ibang bansa si Richard at si Raymond naman ay naghu-host sa Showbiz Central kaya nakahabol ito pagkatapos. Siyempre, naroon ang doting grandparents nina Lorin at Venice na sina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama. Dumating din ang magkasintahang John Estrada at Priscilla Meirelles na nakatakdang ikasal sometime in February next year.
Since ka-table namin si JC de Vera, naikuwento nito na masayang-masaya siya ngayon sa kanyang home studio, ang TV5 dahil sunud-sunod ang kanyang projects. Na-feature siya sa TV5 Star drama anthology, regular host/performer siya sa Sunday show na PO5 at sa bagong gag show.
“Mas masaya, mas exciting, interesting at challenging lahat ng ginagawa ko ngayon,” pagmamalaki ni JC na hindi nababakante ngayon ng trabaho.
Inamin din ng binata na loveless siya hanggang ngayon.
* * *
Nakakabigla talaga nung nakaraang linggo ang biglang pagbuhos ng malakas na ulan dahil agad bumaha ang mga pangunahing lansangan ng Metro Manila at kasama na rito ang Makati.
Magkasama kami ni Jojo Gabinete sa Greenbelt, Makati nung nakaraang linggo ng hapon. Mula sa Greenbelt ay tumuloy kami ng Makati Medical Center para dalawin ang ating kaibigan, ang businessman at talent manager na si Wyngard Tracy. Sa kasamaang-palad ay hindi kami nakalusot sa malalim na baha sa gilid at harap mismo ng MMC kaya tumuloy muna kami sa birthday party ni Lorin Bektas. Pagkatapos sa party ni Lorin, mag-isa na akong bumalik sa Makati Medical Center para dalawin si Wyngard na sumailalim ng heart bypass operation.