Katulad ng kapatid niyang si Aga Muhlach at pinsang si Niño Muhlach, pinasok na rin ng 18 taong gulang na si Adrian AJ Muhlach ang mundo ng local showbiz. Bukod sa nakuha niya ang good looks ng mga Muhlach, meron pa siyang ibang talento na hindi pa namamalas sa mga mas sikat at mas naunang mag-artista na miyembro ng kanyang pamilya tulad nina Amalia, Aga, Niño, Almira, at Arlene, he plays various musical instruments. Maaaring kumakanta at sumasayaw ang mga mas senior na Muhlach pero wala pang nagpapakita ng husay sa pagtugtog ng kahit anong instrumento ng musika.
Ayon sa kanyang ama na si Cheng Muhlach na mas naunang nakilala bilang ama ni Aga, paslit pa lamang si Adrian ay mahilig na ito sa musika. Kaya pagkatapos niya ng high school sa La Sale at Immaculate Conception Academy ay pumunta siya ng UST at nag-enroll sa Conservatory of Music major in Guitar.
Akala niya ay alam na niya ang lahat ng dapat matutunan sa pagtugtog ng gitara, hindi pala. Ngayon lamang niya ito unti-unting natututunan.
May ilang panahon na ring nag-aartista si AJ (Adrian Justine) pero hindi siya masyadong napapansin dahil hindi pa siya isang solo artist, isa siya sa walong miyembro ng sikat na grupong XLR8 na regular na napapanood sa Party Pilipinas ng GMA 7 at I Laugh Sabado ng TV5.
Naka-kontrata sa Viva si AJ ng limang taon. At bilang paghahanda sa mga malalaking proyekto na ibibigay sa kanya ng Viva, he undergoes personality development, ganundin ng acting workshop under Laurice Guillen.
May potensiyal siya sa drama gaya ng kanyang utol na si Aga at ng kanyang pinsan na si Onin, nakatakda siyang ipakilala sa isang horror drama na ididirek ni Chito Roño.
Nakatakda rin siyang ilunsad sa stardom ng kanyang home studio at gagamitin niyang pangalan ay hindi AJ kundi Adrian. Inihahanda na rin ng GMA ang isang teleserye para sa kanya.
Unlike the other Muhlachs, hindi matsiks si AJ, katunayan sa gulang na 18 ay isa pa siyang virgin.
“Saka na po, kapag nagkapangalan na ako at nasa tamang age na. Magpo-focus muna ako sa career bago ako makipagrelasyon,” anang guwapong teener.