Kung hindi pa nagkaroon ng sariling show ang mag-dyowang Carmina Villaroel at Zoren Legaspi, hindi pa nila maalalang hindi pala sila kasal at legally, hindi sila Mrs. and Mrs. Legaspi.
Hindi raw kasi nila ramdam na kulang pala ng kasal ang mahigit sampung taon nilang pagsasama na nabiyayaan ng kambal na anak, sina Cassy and Mavey.
Kaya nang may magtanong sa kanila kung paano nila mapapanindigan ang kanilang programang Love Ni Mister Love Ni Misis, nagpaliwanag si Carmina. Hindi naman daw tungkol sa pagiging misis at mister ang puntirya ng bago nilang programa sa GMA 7 kundi para kina misis at mister ito.
May punto.
Pero si Carmina raw ang madalas walang oras para sa kanilang kasal.
Katuwiran ni Zoren hindi niya talaga minadali si Carmina dahil maaga itong pumasok sa isang relasyon at gusto niya itong bigyan ng freedom na hindi nito naranasan noon kahit na nga may dalawa silang anak. “Gusto kong maranasan niyang magbuhay dalaga,” dagdag ni Zoren.
Kaya kahapon nang maungkat na naman ang usapan ng kasalan, hindi na nag-isip si Zoren.
Lumuhod siya sa harap ni Carmina habang nagpi-presscon at tinanong ang ina ng anak nilang kambal. “Will you marry me?”
Pero wala raw singsing kaya hinubad ni Carmina ang suot na ring na obviously ay bigay ni Zoren at ibinalik sa aktor sandali at isuot daw sa kanya para kumpleto ang instant proposal ng partner for ten years.
Take two: lumuhod uli si Zoren hawak ang singsing at saka isinuot kay Carmina sabay dialogue ng “let’s get married na nga.” Sagot ni Mina : “Pipitik-pitik ka. It’s about time.”
Siyempre, yes ang answer ng TV host kahit na nung una ay na-over excite yata kaya hindi nagawang sumagot ng oo pero nag-demand ang mga present na press. Kailangan niyang sumagot sa proposal ni Zoren.
Isa pang kuwento ni Zoren, gusto niya sanang ang nasabing kasalan nila ang maging pilot episode ng Love Ni Mister Love Ni Misis. Pero hindi nag-materialize.
Mas napagkasunduan na i-guest si Ruffa Gutierrez na ex ni Zoren at originally, si BB Gandanghari. Pero two weeks daw nilang hinanap and sadly hindi nila nakita ang nasirang si Rustom Padilla.
Ready na ba ang mag-partner na makita si BB?
Joke ni Carmina, ok na raw na makita niya si BB kesa kay Rustom dahil sinasabi nga nitong Rustom is dead so baka nga naman multo ang makaharap niya.
Si Zoren handang-handa nang makaharap si BB pero si Carmina, may konting apprehension pa raw na ibinuking nito na nung hinahanap si BB ay panay ang tanong ni Carmina tungkol dito.
At nang may magtanong kay Carmina kung anong sasabihin niya in case na makaharap niya si BB. “Ayokong planuhin. Right now, I’m ready to face her or him,” sabay tawa ni Mina.
Anyway, parang exciting ang Love Ni Mister Love Ni Misis. Parang masayang magkasama ang dalawa dahil natural na lumalabas ang pagiging mag-partner nila.
At siguradong dito magaganap ang matagal nang inaabangang kasalan nila.
Mapapanood ito starting August 9.
* * *
Sure na. Tsugi na ang Wowowee, ang programang inaangkin ni Willie Revillame.
Kahapon ay may official statement na ang ABS-CBN tungkol sa pagkawala sa ere ng noontime show ng Dos.
Papalitan ito ng Pilipinas For The Win (FTW) kung saan pangunahing host sina Kris Aquino and Robin Padilla.
Heto ang official statement ng ABS-CBN :
Ilulunsad na ng ABS-CBN ang isang bagong noontime show sa Sabado, July 3I. Ito ay ang Pilipinas For The Win (FTW), na pagtatampukan nina Robin Padilla, Mariel Rodriguez, Valerie Concepcion, Pokwang at Kris Aquino. Ang programa ay isang game at variety show na tiyak na magbibigay sigla at pag-asa sa mga Pilipino saan mang panig ng mundo.
Ang Pilipinas For The Win ay papalit sa Wowowee. Si Willie Revillame, sa pamamagitan ng kanyang manager ay nasabihan na tungkol sa pagbabagong ito. Naipaalam na rin kay Willie ang programang pinaplano para sa kanya at ito ay ipapahayag sa takdang panahon.
Ang Pilipinas For The Win ay pamumunuan nina Direk Johnny Manahan, Creative Director Bobot Mortiz, Business Unit Head Jay Montelibano, Executive Producers Phoebe Anievas and Rancy Recato. Ito ay mapapanood pagkatapos ng Showtime.
Signed :
Bong R. Osorio
Head, ABS-CBN Corporate Communications
* * *
Parang exciting ang FTW. May Robin na, may Kris pa. At kasama pa sina Mariel, Pokwang and Valerie.
Parehong malakas ang charisma nina Robin at Kris sa audience kaya siguradong bongga ang magiging rating nito.
True din kaya na tapos na ang manager-talent relationship nina Robin at ng manager niyang si Betchay Vidanes?
Isang source ang nagkuwento na shaky na ang relationship ng mag-manager. Ang rason : si Mariel Rodriguez.
Hindi raw kasi pabor ang manager kay Mariel na makarelasyon ng kanyang alagang aktor kaya ganun.
Teka puwede ba panghimasukan ng manager ang tinitibok ng puso ng kanyang alaga?
Siguradong malaki-laki ang mawawalang kita kay Betchay pag nagkataon. As if alam ko no.
Iba actually ang nag-dialogue nun, hiniram ko lang. Hehehehe.