MANILA, Philippines - Napatunayang guilty ng libel ang lawyer na nag-publish ng mga paninira sa kanyang Facebook account laban sa pamosong cosmetic surgeon na si Dra. Vicki Belo at ang clinic nitong Belo Medical Group, ayon sa desisyon ng Office of the Provincial Prosecutor of Rizal.
Inakusahan ni Argee Guevarra ang Belo clinic ng pagkakamali sa operasyon sa buttocks ng isang Josephine Norcio. Sa mga lumabas na balita, si Guevarra ang tumatayong abogado ni Norcio.
Wala pang reklamo na isinampa sa korte laban kay Doktora Belo o sa Belo clinic.
Sa resolusyon na ibinaba ni Assistant Provincial Prosecutor Maria Ronatay sa Taytay Rizal, ang pagkakasalang libelo sa ilalim ng Article 355 ng Revised Penal Code ay nagawa ni Guevarra dahil sa mga malisyosong entry sa kanyang Facebook account, na isa sa pinaka-sikat na internet social networking sites sa buong mundo.
Ang mga posts ni Guevarra ay maaaring mabasa ng lahat ng kanyang kaibigan sa Facebook at napatunayang ito ay naging elemento para sa libelo.
Sa kanyang counter-affidavit, isinaad ni Guevarra na walang internet libel dahil ang Article 355 ng Revised Penal Code ay hindi isinali ang internet bilang isang publication.
Pero ayon sa desisyon ng korte, ang internet ay isang paraan ng komunikasyon at maaaring ibilang na isang publication at magagamit na ebidensiya sa krimen na libelo laban sa sumulat nito.
Kung iko-consider ang elemento ng libelo, ang identity ng taong siniraan ay nakilala at ito ay si Dra. Belo. Nandiyan din ang malice dahil sa mga paninira ni Guevarra laban kay Belo at sa Belo clinic.