MANILA, Philippines - Ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) ay nakapili na ng mga nagwaging istorya (scripts) sa kaSAYSAYan’ Historical Scriptwriting Contest noong nakaraang linggo.
Sa rami ng mga lumahok sa Pilipinas hanggang sa ibang bansa at mahigpit na pagsasala ng mga hurado, tatlo lang ang napili sa mga ito.
Ang Balangiga ni Jose F. Lacaba ang nasa top spot para sa full-length screenplay na kategorya. Ikalawang napili ang Nan Hudhud Hi Apo Ilyam (Apo Ilyam’s Hudhud) ni Floy Quintos. Ang istoryang Whirlwinds of Dust: The Fall of Antonio Luna ni Eduardo Rocha at ng pumanaw na si Henry Francia (inirepresenta ng pamangking si Amos) ang pangatlo.
Ang nasa panel na mga hurado na pinamunuan ni Sen. Edgardo Angara ay bumilib din sa isinumite ni Arnel Mardoquio, ang Mangulayon kaya nabigyan ito ng Special Mention prize dahil sa pag-angat sa Mindanao. Dalawa lang ang istorya na natanggap ng FDCP na nagprisinta sa Islamic region mula sa Mindanao mismo.
Sa mga naipadalang script, naging ordinaryong paksa ang tungkol sa Katipunan, bio-pics at makasaysayang lugar, Filipino-American war, World War II, at ang pagdating ng mga Hapon.
Bukod sa mga natanggap na cash prizes, may posibilidad na maisalin sa pelikula ang mga nagwaging istorya.
Ang kaSAYSAYan’ Historical Scriptwriting Contest ay binuo noong Pebrero bilang pagkilala sa darating na 2011 na puno ng mga gawain na may kinalaman sa Philippine history — ang pagdiriwang ng ika-150 taon ni Jose Rizal, ang ika-65 taon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Amerika, at ang 25 taong anibersaryo ng People Power Revolution.