Diva huling linggo na!

MANILA, Philippines - Engrandeng kantahan, kuwentuhan at kasiyahan ang matutunghayan mula sa Diva, ang kauna-unahang kantaserye sa telebisyon, na magpapaalam na ngayong linggo.

Pinangungunahan ni Asia’s Songbird Regine Velasquez, ang Diva ay isang phenomenal at ground-breaking na programa mula sa Kapuso network na napa­panood sa GMA Telebabad. Bumirit ng todo ang Diva matapos nitong maka­pagtala ng matataas na ratings sa primetime sa loob halos ng limang buwan. Pinag-usapan ng buong bansa ang kuwento ng buhay ng pangit pero talented na si Sam/Melody (Regine Velasquez). 

At sa huling linggo ng Diva, hindi dapat palagpasin ang iba pang rebelasyon at kakaibang twists ng kwento sa buhay ng pangit pero lovable na si Sam! Ma­tapos ibulgar ni Tifanny (Glaiza de Castro), ang alalay-turned-singing star na karibal ni Sam/Melody sa lahat ng bagay, ang tunay na pagkatao ni Melody, magpapaalam na ang diva sa kanyang mga fans.

Ang hindi inaasahan ni Sam ay ang reaksiyon ng kababata at best friend niyang si Gary (Mark Anthony Fernandez) dahil nagalit ito nang husto sa dalaga nang inilihim nito ang kanyang pagkatao. Sa kabilang banda, tanggap naman si Sam ng kanyang pamilya pero isang dagok na naman ang darating sa buhay ni Sam dahil malalaman nila na may sakit na cancer ang tatay niyang si Elvis (Buboy Garovillo).

Samantala, sa pagbabalik ng Birit Records sa pangunguna nina Martin (TJ Trinidad) at Barbra (Jaya), susuyuin ni Martin si Sam para bumalik rito. At sa unti-unting pagbalik ng hindi kagandahang mukha ni Sam, mapapayag pa kaya ang singer na makabalik sa pagkanta?

Tuloy pa ba ang matinding showdown sa pagitan nila Sam at Tiffany? At sino ang magwawagi sa puso ni Sam, si Gary o si Martin?

Kasama rin sa powerhouse cast ng Diva sina Rufa Mae Quinto, Gloria Diaz, Randy Santiago, Jaya, Mark Herras, Ynna Asistio, Caridad Sanchez at Chariz Solomon mula sa direksiyon ni Dominic Zapata. 

Huwag palagpasin ang huling linggo ng Diva pagkatapos ng Endless Love sa GMA Telebabad.  

Show comments