Nagpatalbugan kahapon sa SONA ni President Noynoy Aquino ang mga babae dahil naggagandahan ang kanilang mga damit na suot.
Siyempre, best-dressed para sa akin sina Lani Mercado at Lucy Torres-Gomez kahit may tampo ako sa kanya.
Type ko rin ang kasimplehan ng mga Filipiniana outfit nina Senator Loren Legarda, Quezon City Vice-Mayor Joy Belmonte at Senator Pia Cayetano.
Hindi ko puwedeng kalimutan na i-congratulate si Congressman Sonny Belmonte na nahalal kahapon bilang Speaker of the House. In good hands ang Kongreso dahil sa pagkakahalal kay Papa Sonny ng kanyang mga kasamahan.
Dilaw na dilaw si Assunta de Rossi sa kanyang gown pero nagsosolo siya. Hindi kasama ni Assunta ang kanyang mister, si Congressman Jules Ledesma.
Hindi umapir si Sharon Cuneta sa SONA dahil sa kanyang busy schedule. In fairness kay Sharon, sinabi niya noon sa presscon ng Mega Drama na hindi siya makakadalo dahil sa kanyang hectic schedule.
Type ko rin ang outfit ni Jinkee Pacquiao na talagang asawa na ng congressman ang aura. Isa si Congressman Manny Pacquiao sa pinakamaagang dumating sa Batasang Pambansa. Barong Tagalog ang suot ng Pambansang Kamao at barong din ang damit ng kanyang mga kasama.
* * *
Akala ko ay nabigo ang mga reporter na naghintay sa pagdating ni Congressman Mikey Arroyo dahil balitang hindi nito sinipot ang SONA.
Pero umapir si Papa Mikey at present din sa SONA ang kanyang kapatid, si Congressman Dato Arroyo na naka-smile lang habang sinasabi ni P-Noy ang mga naiwanan na problema ng nakaraang administrasyon.
No show si Congresswoman Gloria Arroyo sa SONA dahil lumipad siya sa Hong Kong noong Linggo.
Nakita ko kahapon sa Philippine Star ang litrato ni Mama Glo habang kinakapkapan siya ng female security guard ng Centennial Terminal 2.
Nakakabilib ang pagsunod ni Mama Glo sa batas pero bilang isang dating pangulo na nagsilbi ng matagal sa bayan, hindi naman kalabisan na bigyan siya ng VIP treatment.
Dinaig pa ni Kris Aquino si Mama Glo ‘ha? May nagkuwento sa akin na naghintay sa wala ang mga reporter na nag-abang sa pagdating ni Kris sa Centennial Terminal 2 noong nagpunta sila ng kanyang mga anak sa Amerika.
Nakalusot si Kris sa media dahil nagdaan daw siya sa VIP entrance. Nagulat ang mga reporter na nag-aabang kay Kris sa main gate dahil nalaman nila na nasa loob na ng airport ang kanilang hinihintay. Kung nabigyan si Kris ng VIP treatment ng airport personnel dahil kapatid siya ng bagong Pangulo ng Pilipinas, bakit hindi si Mama Glo na siyam na taon na naging presidente ng ating bayan?
* * *
Ngayon ang presscon ng Ilumina, ang bagong fantaserye ng GMA 7. Maaga ang calltime ng cast dahil kailangan nila na mag-rehearse para sa kanilang bonggang press presentation.
Pinag-iisipan, pinagpapaguran at ginagastusan ng GMA 7 ang mga grand launch ng kanilang mga show.
Talagang required ang mga artista na mag-attend sa rehearsal or else, mawawalan sila ng moment sa magarbong presentation ng GMA 7.
Mga bida sa Ilumina sina Cesar Montano, Rhian Ramos, Aljur Abrenica, at Christopher de Leon. Mapapanood ang Ilumina sa August 2 at mula ito sa direksiyon ni Mark Reyes.