MANILA, Philippines - Matagal nagtiis ang alternative band na Letter Day Story bago nasungkit ang grand prize sa Nescafé Soundskool at muling naghintay ng dalawa pang taon bago nabigyan ng full-length debut album ng Sony Music.
“We learned a lot along the way,” sabi ng lead singer, chief songwriter, at guitarist na si Dex Yu. “From people posing as managers to get their hands on your music for free, to rejection from record labels, and gigs that don’t pay – we’ve seen it all.”
Mabuti na lang at ang kanilang love for music ang mas malakas para maipagpatuloy ang banda. Ang nakuhang pangalan, ayon sa drummer na si Ejay, ay susi para mas maunawaan ang kanilang musika.
“‘Letter’ because the messages of our songs are in a way, being ‘sent’ out. ‘Story’ because we write about people’s lives. ‘Day’ because the stories are usually based on day-to-day experiences,” paliwanag ni Ejay.
Mapapansin na ang mga kantang nakapaloob sa CD, ang Sama Sama (single at pamagat ng debut album), Sulong, Kung Maibabalik, Isang Umaga, Makasama Ka, Paano, Nababaliw, Mithi, at Ikaw Pa Rin ay produkto ng pinag-isipang komposisyon. Sa katunayan, ang first hit nilang Ikaw Pa Rin ay napasama sa mga finalists sa kategoryang favorite new artist sa 2009 MYX Music Awards at best performance by a new group sa Awit Awards 2010.
“Usually nakikinig muna kami sa guitar and voice kapag gumagawa ng kanta. Then each of us plays the instruments according to taste. Walang lider — ang bida ay kung ano ang pinakamabuti para sa kanta,” sabi naman ng bass player na si Oliver.
Sa ngayon ang Letter Day Story ay nakipag-collaborate na sa rapper na si Gloc-9 (Martilyo), sa pop rock singer-songwriter na si Yeng Constantino (Kung Maibabalik), at kay Jaq Dionisio ng bagong banda na si Kiss Jane (Isang Umaga).
“Sa live naman, anything goes. Energy and spontaneity naman ang bentahan dun,” dagdag pa ni Oliver.
Ang Sama Sama album ay mabibili na sa mga record bars pero maaari ring makapag-download ng paboritong Letter Day Story song diretso sa cell phone, i-type lang ang CONNECT at ipadala sa 3456.
O kaya ay pumunta sa musiConnect micro site, i-type ang LDS at ipadala sa 3456.