MANILA, Philippines - Kadalasan siyang naaalala ng mga Pilipino bilang asawa ng kontrobersiyal na aktres na si Kris Aquino o kaya naman ay ang ama ni Baby James. Makatawag pansin ang mga billboards niya sa EDSA at mga patalastas sa diyaryo at magasin.
Pero tila nakakalimutan ng mga tao na may iba pang mundong ginagalawan si James Carlos Yap, Sr. o mas kilala bilang James Yap. At iyan ay ang propesyon niya bilang isang magaling at namumukod-tanging basketbolista sa kanyang henerasyon.
Pinuputakte man ng problema sa buhay mag-asawa, nanatiling matagumpay si James sa kanyang napiling propesyon. At kahit ngayong napilayan ang kanyang team ng dalawang mahusay na manlalaro sa papainit lalong Fiesta Conference ng (Philippine Basketball Association (PBA), lalong tumitindi ang kanyang tungkulin na depensahan ang kanyang koponan para mapabilang sa finals.
Tulad ng ibang mga basketbolista sa bansa, naging isang ordinaryong manlalaro lang din si James kung hindi napansin ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang kabilib-bilib at kamangha-mangha niyang galing sa basketball. Naging inspirasyon ang probinsiyanong tubong Negros Occidental para sa napakaraming kabataang gusto ring makilala ang kanilang pambihirang galing sa basketball. Marami sa kanila ay mga galing sa mahihirap na pamilya sa probinsiya na nangangarap ding mabigyan ng tsansang umangat sa buhay.
Kilalang kulelat ang NU o National University sa UAAP. Noong 1954 pa ang una at kahuli-hulihan nilang titulo bilang kampeon sa UAAP kaya naman sila ang tinaguriang crying babies sa liga. Pero malaki ang kumpiyansa nila kay Joseph “Cocoy” Hermosisima, ang star Player ng NU Bulldogs na galing Davao City.
Sa kabilang banda naman, matindi rin ang pressure sa FEU dahil kailangan nilang protektahan ang kanilang pinakaiingatang reputasyon bilang may hawak ng 19 championship titles, ang pinakamaraming bilang ng panalo sa UAAP. Kaya naman lalong pinagbubutihan ng star player ng FEU Tamaraws na si Aldrech Ramos ang kanyang depensa. Sa pagtutunggali ng Bulldogs at Tamaraws sa UAAP, sino kaya sa kanila ang magwawagi?
Huwag palalampasin ang maaksiyon na dokumentaryong Bilog ang Bola ni Howie Severino sa I-Witness ngayong Lunes ng gabi pagkatapos ng Saksi.