Hiningan si Ogie Alcasid ng update sa pamimirata ng composition niyang Pangako na ginamit sa Korean novela na Glass Slipper at naging For Your Love ang title. Alam na nito kung sino ang nasa likod nang pamimirata at tila moral damages ang hinihingi.
“I felt flattered but felt more bad dahil parang ninakaw o kinidnap ang anak mo sa ginawa nila. It’s sad, but something is being done about it,” wika nito sa launching ng bago niyang album na Ngayon at Kailanman.
* * *
Sina Jennica Garcia at Carl Guevarra ang sunod na guests sa Pilyang Kerubin. May prosthetic ang ilong ni Jennica na parang sa baboy, pero hindi siya nahirapan at ang nagpahirap ay ang costume ng belly dancer dahil exposed ang ilang parte ng katawan.
Bini-build-up ang tambalan nina Jennica at Carl dahil magka-loveteam din sila sa Jejemom at nagkasama sa Dear Friend. Tinanong namin ang dalaga kundi ba nagseselos ang BF niyang si Alwyn Uytingco na lagi siyang pinapareha kay Carl?
“Hindi” ang sagot ni Jennica at ipina-erase ang word na BF dahil ayaw niyang gamitin ang word na ‘yun. Nang tanungin namin ang kanyang status, hindi rin masabing she’s in a relationship, basta inspired daw siya ngayon at kita ito sa kislap ng mga mata, ganda ng ngiti at sobrang kilig ‘pag nababanggit ang name ni Alywn. Kaya hindi namin maintindihan kung bakit hindi pa niya maaming boyfriend ang actor. Ano ba ang problema?
* * *
Gamit ni Glaiza de Castro sa thanksgiving presscon ng Diva ang Louis Vuitton bag na regalo ni Regine Velasquez sa mga kasama sa kantaserye at isa siya roon. First LV bag ‘yun ni Glaiza kaya sobrang tuwa at ‘di makapaniwalang si Songbird ang magbibigay sa kanya.
Tsika ni Glaiza, ibinigay ni Regine ang mga regalo sa buong cast at staff sa dinner na ibinigay sa kanyang bahay. Ayaw pa raw sana niyang pumunta sa dinner dahil pagod siya at laking gulat nang iaabot sa kanya ang bag.
“Emotional ako, I never thought someone would gave me an expensive bag. Great experience rin ang makasama si Miss Regine dahil napakabait na tao. Hindi ako makasabay sa biritan at siya ang nag-i-encourage sa akin, nagtuturo at nagpapalakas ng loob ko. Saka, tutulungan daw niya akong magka-album,” masayang sabi ni Glaiza.
Thankful din si Glaiza dahil sa Diva, na-realize niyang passion niya ang pagkanta at na-discover na gusto niya ang soul at alternative music. Ayaw mag-spoiler ni Glaiza sa magiging ending ng karakter niyang si Tiffany, panoorin na lang daw ang last week ng kantaserye.
* * *
Guest sa Party Pilipinas si Cesar Montano at makiki-jamming. Bago siya nag-artista, kumakanta siya sa acoustic bar at mahusay maggitara.
Tanong lang, nabasa kaya ni Cesar ang interview kay Norma Japitana sa isang broadsheet last Friday? Sinabi ni Norma na ayaw na niyang makialam kay Cesar at sa career nito at sinabi rin ang rason nang panlalamig daw sa kanya ng actor.
Guest din ang RnB artist na si Jason Derulo na for sure, gaya namin ay hindi kilala ng maraming Pinoy at mamaya palang natin mapapanood mag-perform.