Inamin ni Judy Ann Santos na ini-level niya ang sarili kay JC de Vera kaya hindi nagmukhang pamangkin niya ang aktor na leading man niya sa Hating Kapatid.
Ano naman ang masasabi niya kay Sarah Geronimo na kapatid niya sa pelikula?
“Hindi mahirap mahalin si Sarah dahil simple siya at mababaw ang kaligayahan. Bukod kay Sharon Cuneta, gusto ko siya at tulungang maalagaan ang career,” aniya. Inaabangan na ang Hating Kapatid na ipalalabas na sa July 21 mula sa Viva Films.
* * *
Saludo rin si Sarah kay Juday at sinabing mami-miss niya ang kuwentuhan nila, tawanan, kainan sa set ng Hating kapatid.
Sabi nga nito : “Si Juday ay ilan lang sa mga pinakamabait na artistang nakilala ko dahil sincere siya at magandang makipagkaibigan. Kapag nakakausap ko siya ay lagi siyang nagbibigay ng advice. It’s really a blessing na dumating ang project na ito dahil nagkalapit kami ng loob ni Juday.”
* * *
Pumapailanglang na sa mga radio stations ang awitin ni Marvin Ong na contract artist ng Viva Records na Panaginip na inaasahang maghi-hit sa recording chart.
Unang dinig pa lang ni Boss Vic del Rosario sa tinig ni Marvin ay kinontrata na agad ito dahil naniniwala siya na malayo ang mararating ng singer dahil napakagaling nitong kumanta.
* * *
Magaling na TV host ang aktres na ito na nalinya ngayon sa drama. May nagbulong sa akin na sapul nang mag-iba ng relihiyon ang aktres ay tila naging mailap ito sa mga press people. Dati-rati kasi ay palabati siya at nakikipagkuwentuhan sa mga reporter. “Ngayon parang may sarili na siyang mundo, ” anila. May kapatid siyang sikat din sa showbiz.