Idinadaan sa ngiti ni KC Concepcion ang isyu sa kanila ng anak ni Piolo Pascual. Pinayuhan siya ng manager na si Shirley Kuan na ‘wag sagutin ang diumano’y tweets ng anak ni Piolo na galit sa kanya at may ginamit pang B word.
Kaya kundi ngiti, “oow” lang ang narinig naming reaction ni KC nang makita namin sa birthday party ni Ricky Calderon. Tama si SK na hindi sigurado si KC kung totoong si Iñigo ang nagti-tweet at bakit kaswal kung gumamit ng B word.
* * *
Katuwa naman si Christian Bautista dahil kahit denim jeans ang ini-endorse sa Bench, nagpaalam pa rin kay Mr. Ben Chan ng Bench bago maging male endorser ng Blackwater ng Ever Bilena and of course, pinayagan siya ni Mr. Chan.
Tuwang-tuwa ang mga taga-Ever Bilena dahil nag-double ang sales mula nang si Christian ang maging endorser nila ng Blackwater, kaya ni-renew nila ang kontrata nito.
Ibinalita pala ni Christian sa presscon/launching niya na hindi muna matutuloy ang soap at movie niya sa Indonesia dahil busy siya. Sa panibago niyang kontrata sa ABS-CBN, may gagawin siyang teleserye at reality show, kaya wala na rin rason para lumipat siya sa GMA Network.
* * *
Sayang dahil nang ma-interview namin si Maricel Soriano sa taping ng Pilyang Kerubin, hindi pa nakukumpirma ang paglipat ni Cesar Montano sa GMA 7. Maganda sanang tanungin ang aktres kung okey sa kanyang pagsamahin sila ng aktor sa show sa Channel 7.
Sabi naman ni Maricel, gusto niya ng trabaho at basta maganda ang project ay kanyang tatanggapin. Mapa-teleserye o drama anthology at kahit siguro sitcom basta maganda ang material ay okey sa kanya.
Samantala, marami ang nagkakagusto sa role ni Maricel sa Pilyang Kerubin bilang si Regina na nawalan ng mga anak.
Mamaya, pupunta si Regina sa birthday party ng anak niyang si Isabel bilang isang clown. May gunman na babaril sa adoptive father ni Isabel, pero haharang si Isabel at bago siya mabaril, haharang si Regina.
Kukunin na ni Mang Potpot si Regine, makikiusap sina Charity at Angelica na ‘wag munang kunin si Regine dahil hindi pa ito natatawag na nanay ni Isabel.
* * *
Friends na talaga sina Pauleen Luna at Maxene Magalona dahil nag-aalagaan na sila sa taping ng Trudis Liit. Gaya na lamang noong Martes nang bumaha sa Tagaytay, kung saan sila nagti-taping. Sa kanyang tweet, pinag-iingat ni Pauleen si Maxene pag-uwi dahil madulas ang daan.
* * *
Parehong kakanta ng Spanish songs sina Martin Nievera at Gary Valenciano sa As 1 concert nila mamayang gabi sa Araneta Coliseum. Kakantahin ni Martin ang Adoro na madalas kantahin noon ng amang si Bert Nievera.
Ang Historia de un Amor naman ang kakantahin ni Gary na kinakanta ng mom niya dati. Puerto Rican ang mom ni Gary at may dugong Spanish ang mom ni Martin.