Piolo di nangangarap maging direktor
Hindi muna itutuloy ni Christian Bautista ang serye sa telebisyon na gagawin sana niya sa Indonesia. Ayon sa manager niya, mahabang panahon ang kakailangin ni Christian para magawa ang nasabing serye at marami siyang trabaho rito sa Pilipinas. Sa halip, pumayag itong gumawa ng isang pelikula dun pero maghahanap pa muna ng ilang artistang Pinoy na makakasama sa nasabing movie.
Inilunsad kamakailan si Christian bilang latest endorser ng Blackwater, isang produkto ng Ever Bilena para sa mga kalalakihan.
Inamin ng mga taga-Ever Bilena na malaki ang naitulong ni Christian at maging ng isa pang endorser ng Blackwater na si Sen. Bongbong Marcos para lumakas ang benta ng Blackwater lalo na sa labas ng bansa, particular na sa ilang bansa sa Asya na kung saan ay kilala at popular si Christian tulad ng Indonesia, Malaysia at Thailand.
Samantala, pagkatapos ng napaka-matagumpay na release ng kanyang album na nagtatampok sa mga awitin ni Jose Mari Chan, ang Romance Revisited, nag-aalala si Christian na baka hindi siya makagawa ng album na sing-ganda nito. O kung makahanap man siya ng kasing-gagandang kanta ay baka matagalan pa. Pero patuloy at patuloy silang maghahanap para masundan ang kanyang album.
* * *
Inamin ni Piolo Pascual na wala naman siyang ambisyon na maging isang direktor sa pelikula. Mas komportable siyang mag-produce ng movies at ang dalawang nauna niyang movie venture ay nakasiya naman sa kanya. Ang isa ay napanood pa sa Cannes at ang ikalawa ay nagsoli ng kanyang kapital ng ilang ulit. Bukod dito, naka-diskubre pa siya ng isang magaling at box-office star sa katauhan ni Eugene Domingo.
Kasama si Piolo sa creative team ng Noah, isang bagong serye ng ABS-CBN na nagtatampok sa kanila ni Zaijian Jaranilla. Tumatayo siyang creative consultant.
- Latest