MANILA, Philippines - Ngayong Linggo, tunghayan ang inaabangang pagbabalik ni Bong Revilla sa Kap’s Amazing Stories. Kaya hindi true magiging Kapamilya na siya.
Matapos ayusin ang kanyang mga pangunahing tungkulin, puno ng pananabik ang senador ng bayan na magbalik-hosting sa Kapuso Network. Bilang pabuwenas, buong tapang at saya niyang sasagutin ang mga katanungan ng mga tao tungkol sa mga hayop na makikita sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Kilala ang mga dolphins sa pagiging matalino pero bakit kaya gumagwa ng buhanging ipo-ipo sa ilalim ng dagat ang mga bottlenose dolphins ng Florida? Matalino nga ba ang mga mammals na ito o sadyang mapaglaro lang?
Bukod sa pagkakaroon ng kakayahang mag-camouflage, may isa pang alas ang mga chameleon. Kaya rin nilang paliparin ang kanilang mga malagkit at mahabang dila sa rate na 50 feet per second. Alamin ang mga nakakahindik na magagawa ng super tongue na ito.
Kaya bang maisahan ng mumunting seal ang dambuhalang killer whale? Gaya ng pagpapatumba ni David kay Goliath, tunghayan kung paano tatakasan ng crab-eater seal ang isang grupo ng mga nagsisigutumang killer whales.
Panghuli ay ang mga cheetahs sa Kenya. Mabilis man mangaso, ang uri nila ay may pagkapayat at pagkagaan. Kaya tutukan kung paano papataubin cheetah ang isang ostrich na mas matangkad, mas mabigat at mas matinding sumipa kaysa sa kanya.
Biggest loser Pinoy Edition, dadagundong na!
Mula sa istasyong nagbigay sa bayan ng mga sikat na reality TV show tulad ng Pinoy Big Brother, Pinoy Dream Academy at Pinoy Fear Factor, inihahandog ang pinakabago at pinakamalaking reality series sa bansa, ang Biggest Loser Pinoy Edition!
Unang sumikat ang The Biggest Loser sa Amerika dahil sa kakaiba nitong konsepto kung saan ang mga bigating kalahok ay dumadaan sa matinding training at diet, sinusubukan ang tatag ng katawan at kalooban alang-alang sa kanilang pinakamatinding hangarin - ang mabawasan ng timbang. Ang kalahok na pinakamalaki ang porsiyentong nabawas na timbang ang idinedeklarang panalo sa programa.
Sa Pinoy Edition, asahan ang mga kakaibang twists na akma sa panlasa ng mga Filipino.
Ang lahat ng may tapang ng loob na harapin ang bigating hamon ay maaring sumali sa auditions na nagsimula kahapon at susundan naman ng auditions sa Hulyo 16 sa Metro Town Mall, Tarlac, July 30 Park Mall Cebu, Agosto 6 sa Embarcadero de Legaspi, Legaspi City, at Agosto 13 sa SM City Ilolo.
Iniimbitahang lumahok ang mga babaeng may timbang na 200 pounds pataas o lalaking may bigat na 250 pounds pataas, 18 to 40 gulang, Pilipino, at na may malakas na pangngatawan. Kailangan lang magdala ng isang ID na-valid at mga litratong close-up at whole body.
Mamasyal sa Rizal
Matapos matunghayan nung isang linggo ang panayam ng Life and Style with Gandang Ricky Reyes kay Governor JunjunYnares ng Rizal, ililibot naman tayo ni Mader Ricky sa mga magaganda at matulaing lugar sa maunlad na probinsiyang ito.
Inamin ng LSWGRR host-producer na ang mga napuntahang mga antigong simbahan sa Baras at Bosoboso, ang kagilagilalas na Mystical Cave at dinarayong Daranak Falls ay tunay na pang-akit ng mga turistang mahilig mag-nature tripping at saglit na magbakasyon sa isang tahimik na lugar na di naman kalayuan sa siyudad.
Ipakikita rin sa programa ang mga artwork ng national artist na si Botong Francisco at Maestro Lucio San Pedro na kapwa taga-Rizal. Tiyak na malaking kayamanan na ang halaga ng mga obrang ito na umaakit sa mga art enthusiast at collector.
Sa Great Hair Day ay tampok ang estudyanteng si Richelle Romero na ime-make over ni Mader. Ang seksing si Janna Dominguiez ang co-host sa segment na ito na laging inaabangan dahil may demo ng madadaling paraan ng paglalagay ng make up at pag-aayos ng buhok.
Kung may pagkaseksi ang Belly Dancing na ginawa ni Regine Tolentino nung isang linggo bilang mabisang panpaliit ng katawan, medyo class at romantiko naman ang ipakikita niya ngayong Paso Doble sa Gandang Body.